NSO Month

nsoTinanghal na kampeon sa kauna-unahang Collage contest ng Batangas City Civil Registrar’s Office (BCCRO) ang  mga mag-aaral ng  Tinga Sorosoro National Highschool (TISISI). Ito ay   isinagawa noong October 29 sa Bagong Pag-asa Building.

Sila ay sina Ian Medwin Dimaano, Harold Barte at Kevin Joshua Perez na pawang mga grade 9 students. Nagsilbing mentor/trainor nila ang kanilang gurong si Anabelle Hernandez. Sila ay tumanggap ng P10,000 cash prize, gold medals at  trophy para sa kanilang paaralan.

Lubos ang kanilang kagalakan sa kanilang pagkakapanalo sa kabila ng kakulangan sa panahon ng paghahanda. Labis din ang kanilang pasasalamat sa kanilang trainor sa suportang ipinagkaloob nito.

Ang naturang patimpalak ay kaugnay ng pagdiriwang ng National Statistics Month ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Layunin ng nabanggit na patimpalak na maipabatid at mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan  sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng CRO at PSA sa mga mamamayan.

Ito ay nilahukan ng 51  mag-aaral mula sa 17  pampubliko at pribadong highschools  sa lungsod.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “NSM at 25 years and beyond: Solid and Responsive Philippine Statistical System in support of Globalization and Regional Economic Integration”.

Gamit ang mga indigenous materials, ipinakita ng mga kabataan ang kanilang creativity.

Nanalo naman ng ikalawang pwesto ang mga mag-aaral ng Saint Bridget College  na nagkamit ng  P 7,000, silver medals at trophy para sa paaralan at ikatlong gantimpala naman ang naiuwi ng mga kinatawan ng Regis Benedictine Academy na nakakuha ng premyong P5,000, bronze medals at trophy para sa kanilang paaralan.

Naging batayan sa pagpili ng mga magwawagi ang composition, relevance to the theme, originality at style at overall impact.

Nagsilbing mga hurado sina Batangas National Statistics Officer Charito Armonia, Batangas City Cultural Affairs member  Bill Perez at Arch Joy Merjan.

Dumalo bilang kinatawan ni Mayor Eduardo B. Dimacuha si Batangas 2nd District Board Member Marvey Mariño na nagpaabot ng pagbati sa tagumpay ng 1st BCCRO Collage making contest. (Ronna Endaya Contreras)