Korean Youth Volunteer Program

koreanNagsagawa ng volunteer work sa dalawang barangay ng Batangas City ang humigit kumulang sa 30 miyembro ng Korean Youth Volunteer Program (KYVP) mula sa South Korea noong  November 2-11.

Bukod sa pagsasagawa ng community outreach program, layunin din ng KYVP ang pagpapalakas ng cultural exchange sa pagitan ng  Pilipinas at South Korea.

Ayon kay Erica Borja ng National Youth Commission (NYC), katuwang ang kanilang tanggapan ng KYVP na nagsimula pa noong taong 2010. Sa programang ito, nagsasagawa ng volunteer work ang mga miyembro ng KYVP na pawang mga  highschool at college students.

Napili nila ang San Jose Sico at Balete Daycare centers upang makinabang sa kanilang proyekto kung saan ang delegasyon ay hinati sa dalawang grupo.

Nagsagawa ng renovation  sa Youth Center at Senior Citizen’s Center ng barangay San Jose Sico  ang grupo ng mga kabataan mula sa Daegu City habang nagsagawa naman ng community immersion  sa barangay Balete relocation site at repair  ng Day Care Center dito ang ikalawang grupo  mula sa Incheon City.

Una rito ay nagsagawa ng garage sale ang KYVP sa Plaza Mabini kung saan ang perang kanilang nalikom ang kanilang ginamit sa naturang proyekto.

Tinuruan ng delegasyon  ng Korean language ang mga out- of- school- youth ng mga naturang  barangay, ng pagluluto ng Korean food at Korean dances.

Isang cultural night presentation ang ginanap noong November 9 sa Teachers Conference Center.

Samantala, pagkatapos ng regular na flag ceremony ng mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa Plaza Mabini noong November 3, personal na iniabot ni Mayor Eduardo B. Dimacuha ang token sa mga miyembro ng delegasyon bilang pasasalamat sa mga ito.

Lubos din ang pasasalamat ng NYC at KYWA sa mainit na pagtanggap sa kanila ng lokal na pamahalaan at sa pagkakataon na naibigay sa kanila upang makatulong sa mga mamamayang Batangueno.  (Ronna Endaya Contreras)