Female Warden

wardenTinanghal na  Female Warden of the Year sa Region IV si SJO4 Irene R. Kapirig,   OIC Warden ng BJMP Female Ward sa  San Jose Sico Jail  sa Batangas City.

Ang awarding ay ginanap noong October 30 sa Hotel Dominique sa Tagaytay City kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) 4A.

Nakatunggali ni Kapirig ang may 10 pang Female Warden sa CALABARZON.

Ayon sa Jail Warden na si Senior Inspector Manuel Villas, halos hindi na umuuwi si Kapirig sa kanilang barangay dahilan sa dedikasyon niya sa trabaho. Siya ay 18 taon na sa serbisyo.

‘’Karapat-dapat lamang siya sa parangal na ito dahilan sa malaki ang nagawa niya sa mga residente ng jail  tulad ng pagsasailalim sa mga kababaihan sa  therapeutic exercises, handicrafts- making at counselling sessions,”dagdag pa ni Villas.

Lubos naman ang   pasasalamat ni Kapirig  sa kanyang mga kasamahan sa Batangas City Jail lalo na sa pamahalaang lungsod ng Batangas sa suporta  na ipinagkakaloob sa kanila upang maipagpatuloy ang mga proyekto para sa mga inmates na tinatawag nilang residente.

“Ang parangal ay isang inspirasyon upang lalo ko pang paghusayin ang serbisyo publiko,” sabi ni Kapirig.

Sa kasalukuyan ay may 56 babaeng residente sa San Jose Sico Jail. (Ronna Endaya Contreras)