Oplan Kaluluwa 2014

Generally safe. Ito ang assessment ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa kanilang isinumiteng ulat sa tanggapan ni punong lungsod at CDRRMC Chairman Eduardo B. Dimacuha sa nagdaang paggunita ng All Saints Day at All Souls Day noong ika-1 hanggang ika-2 ng Nobyembre sa lungsod ng Batangas.

Ayon sa ulat, sa pagsisimula ng Oplan Kaluluwa noong ika-31 ng Oktubre, dalawang kaso lamang ng major injuries ang kanilang naitala

Ang isa ay inatake ng hypertension at ang isa ay nasugatan sa loob ng sementeryo. Ang dalawang injuries ay naganap sa Mt. Zion Memorial Park at Bolbok Public Cemetery. Agad namang nilapatan ng lunas at dinala ang mga biktima sa Batangas Medical Center.

Ang Mt. Zion Memorial Park at Bolbok Public Cemetery ay dalawa lamang sa pitong istasyon na minanduhan ng CDRRMO. Kasama sa mga nasabing istasyon ang Roman Catholic Cemetery (Hilltop), Roman Catholic Cemetery (Barangay 11), Batangas Floral Garden, Eternal Garden (Balagtas), Eternal Garden (Concepcion) at Philippine Ports Authority.

Ayon pa sa ulat ng CDRRMO, limang kaso ng minor injuries ang kanilang naitala at 93 ang nagpamonitor ng kanilang blood pressure sa halos tatlong araw nilang pagbabantay sa mga sementeryo sa lungsod.

Ilan sa mga departamento ng pamahalaang lungsod na nakasama ng CDRRMO para sa Oplan Kaluluwa ay ang mga kawani mula sa City Health Office, Traffic Development and Regulatory Office, Defense and Security Service, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross at Batangas City PNP. (JERSON J. SANCHEZ, PIO Batangas City)