Calumpang Bridge Update

calumpangNakatakda nang simulan ng  Department of Public Works and Highways (DPWH) ang repair/rehabilitation ng  Calumpang bridge sa Batangas City gamit ang inisyal na pondong P 77M mula sa Malacañang.

Ayon kay City Engineer Adela Hernandez, ang resulta ng isinagawang  mga test ng   United Technology Consolidated Partnership (UTCP) na syang consultant ng DPWH, ang magiging  basehan ng structural design ng itatayong bagong Calumpang Bridge.

Ang mga tests  na ito ay kinabibilangan   ng  soil boring test, soil exploration, topographic and hydraulic survey sa Calumpang River.

Hinihintay lamang na makumpleto ng Regional Office ng DPWH ang program of work para sa nabanggit na tulay upang maumpisahan ang  repair  nito.

Samantala, ang bagong teknolohiya na tinatawag na “ implosion”ang gagamitin upang   buwagin  ang natirang bahagi ng naputol na tulay. Ito ay ligtas at hindi magdudulot ng panganib sa mga tao ayon kay Engr. Hernandez.

Sisimulan na din  ngayong Nobyembre  ang paglalagay ng  pontoon  footbridge  sa Calumpang River na may haba  na 115 meters  at  magmumula sa P. Panganiban Street patungong barangay  Pallocan West. Inaasahan na ito ay magagamit sa kalagitnaan ng Disyembre.

Ang rehabilitasyon naman ng Calumpang Dike sa Barangay 1 at 2 na sinimulan noong October 21 ay inaasahang matatapos sa   unang quarter ng taong 2015. (Ronna Endaya Contreras)