Children's Summer Workshop
Naging makabuluhan ang summer vacation ng may 30 bata na dumalo sa Children's Summer Workshop na itinaguyod ng Batangas City Library noong buwan ng Abril at Mayo kung saan sila ay tinuruan sa pagbasa, pagkukwento, pag-awit pagtula , paggamit ng computer at iba pa.
Ang workshop na dinaluhan ng mga batang may edad apat hanggang walong taong gulang ay isinagawa tuwing araw ng Martes at Huwebes kung saan nagkaroon ng pang umaga at pang hapon na session.
Ang gawaing ito na nasa ikalawang taon ng pagtataguyod ng mga kawani ng City Library ay may temang "Mahalaga ang Aklatan para sa mga Batang Hangad ang Karunungan". Pangunahing layunin nito na mahikayat ang mga bata sa pagbabasa upang mapalawak ang kanilang kaalaman.
Ang mga bata ay sumailalim sa pagtuturo ng mga pinuno at empleyado ng City Library na may sapat na kaalaman at kasanayan mula sa regular na pagdalo sa mga training workshop na itinataguyod ng Museo Pambata at National Library.
Natutuwa naman ang mga magulang at naging produktibo ang bakasyon ng mga bata. Anila, patuloy na nag-aral ang mga ito sa halip na naglaro sa initan na maaring maging dahilan ng pagkakasakit.
Ipinakita naman ng mga bata ang kanilang natutunan sa summer workshop sa idinaos na culminating activity noong ika-31 ng Mayo. Nagpakitang gilas ang mga ito sa pag-awit, pagsayaw at pagtula.
Naging panauhing tagapag-salita si Atty. RD Dimacuha na aktibo sa mga proyekto para sa kabataan at iba pang civic works. Sa kanyang mensahe ay binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagbabasa lalo sa pagpapalawak ng bokabularyo at pagiging malikhain ng isang tao. Naging halimbawa ni Atty. Dimacuha ang kilalang literary writer at national artist na si Nick Joaquin, mahusay na direktor sa telebisyon na si Ruel S. Bayani at si Mayor- elect Vilma Abaya Dimacuha na ang pagmamahal sa pagbabasa ay malaki ang naitulong para magtagumpay sa kanilang propesyon.
Nagpasalamat naman si Levita Villena, OIC city librarian, sa mga magulang sa suporta ng mga ito sa kanilang programa at sinabing lalo pa nilang pag iibayuhin ang summer workshop program sa susunod na taon.
(Marie V. Lualhati, PIO Batangas City)