|
Gusaling Pangkalusugan
Kung pagiging konbenyente at maalwang pagpapagamot ang pag-uusapan, para na ring nagpapakonsulta sa isang pribadong hospital ang bagong tayong airconditioned na Gusaling Pangkalusugan sa Batangas City kung kayat lalong dumadami ang mga pasyenteng pumupunta rito.
Umaabot sa 150 hanggang 200 pasyente sa karaniwang araw ang nakikinabang sa mga libreng serbisyo ng Batangas City Health Office, mas tumaas pa kumpara noong isang taon at ito ay dahilan sa pagkakatayo ng nasabing gusali upang higit pang mapaglingkuran ang publiko lalo na ang mga higit na nangangailan.
Mahigit naman sa 400 pasyente ang nagagamot tuwing araw ng Miyerkules kung saan isinasagawa ng CHO ang regular check up para sa mga diabetic patients. Ito ay sa ilalim ng Diabetes and Cardio Vascular Program ng Department of Health o DOH na ipinatutupad ng CHO. Kaugnay nito ay may grupo ng diabetic patients mula sa iba't ibang Barangay ang nakikinabang mula sa libreng Fasting Blood Sugar o FBS at Cholesterol level testing. Sila rin ay may libreng gamot at may regular monitoring na isinasagawa ang mga kawani ng CHO upang maisiguro ang kanilang kalusugan.
Ayon kay Dr. Dina Lucero, coordinator ng naturang programa, nakatakda ring magkaroon ng glycosylated hemoglobin determination (HBAC, C) ang CHO upang higit na mabantayan ang sugar level ng mga pasyente.
Ipinatutupad din ng CHO ang anti Tubercolosis o TB Program. Nakapaloob sa programa ang libreng x-ray, sputum exam at mga gamot sa loob ng anim na buwan. Sakaling ang isang pasyente ay may malalalang karamdaman ang mga ito ay isinasangguni sa mga espesyalista.
May 20 miyembro naman ng asthma club ang sumasailalim sa regular ng check up ng mga doctor ng CHO tuwing ikatlong Huwebes ng kada buwan. Ang mga ito rin ay hinihikayat ring dumalo ng mga lectures upang mabigyan ng higit na kaalaman ukol sa sakit na ito.
Tuwing ikatlong Huwebes rin ng buwan isinasagawa ang libreng konsultasyon para sa mga sakit sa balat. Nagbibigay rin ng mga gamot para dito. Katulong ng CHO sa proyektong ito ang mga pribadong duktor.
Nakikinabang rin sa mga serbisyo ng CHO ang mga aplikante sa trabaho at business permit.
Patuloy na ipinatutupad ng CHO ang healthy lifestyle sa pamamagitan ng panghihikayat sa lahat ng mamamayan na magkarroon ng regular na pag-eehersisyo at iwasan ang paninigarilyo.
Ang gusaling ay may dalawang palapag. Bukod sa silid ng mga duktor, meron din dito na silid nay may dalawang kama para sa mga pasyente na kailangan magpahinga. Dito rin isinasagawa ang ECG, nebulization, check up ng mga buntis at iba pa. (Marie V. Lualhati, PIO Batangas City)
|