Patak Asin & Deworming
Patuloy na sinusuri ng Nutrition Division ng City Health Office sa Batangas City ang mga ibenebentang asin sa mga palengke upang alamin kung ito ay iodized bilang bahagi ng kampanya nitong malabanan ang malnutrisyon.
Ipinaguutos ng RA 8172 o
"An Act Promoting Salt Iodization Nationwide and For Related Purposes" na gumamit ng iodized salt sa mga pagkain sapagkat ito ay may mineral na iodine na nakakatulong sa kalusugan ng isang tao.
Kapag kulang sa iodine and katawan, nagdudulot ito ng sakit na goiter, maaaring makunan ang isang nagdadalangtao at nanganganib na magsilang ng sanggol na patay o di sapat ang pagkahubog ng katawan at isipan, panunuyo ng balat at pagkabingi-pipi ng sanggol. Ang mga sanggol na kulang sa iodine ay mabagal lumaki, bansot at mababa ang IQ.
Sa kanilang huling quarterly monitoring ng 169 salt vendors at 49 na mga carinderia, ilan sa mga ito ay hindi nakapasa sa kanilang pagsusuri gamit ang kanilang dala na potassium iodated testing kit. Sinabihan sila ng opisina na alamin kung sino at saan galing ang asin na kanilang ibinebenta upang masegurong iodized ang asin na kanilang ibinebenta.
Samantala, nagkakaroon ng deworming sa Balete Relocation Elementary school kung saan 141 ng bata mula grade I hanggang grade VI ang sumailalim dito.
Ayon kay Susan Dimaandal, nurse in-charge ng DepEd, ang deworming ay taunan nilang ginagawa sa pagbubukas ng klase. Pinangunahan ito ni Dra. Grace Catapang, medical officer ng DepEd kung saan siniguro nito na naka kain na ang mga bata, hindi masakit ang tiyan at walang lagnat bago painumin ng deworming tablets.
Ang bawat bata ay may kaukulang permiso buhat sa kanilang magulang bago bigyan ng tablet para sa deworming. Ayon kay Leonila Bool, principal I ng nasabing paaralan, sa 583 nilang estudyante ay 141 ang pinahintulutan ng mga magulang ng mga ito.
Ang mga batang sumailalim sa deworming ay kasama rin sa milk feeding ng pamahalaang lungsod.
(Monina Beredo - Fernandez, PIO Batangas City)
