VAD's Oathtaking
Nanumpa sa kanyang tungkulin bilang mayor ng Batangas City si Vilma Abaya Dimacuha sa harap ng kapwa niya Batangueno na si Associate Justice Jose Perez noong June 28 sa People's Quadrangle na napuno ng mga supporters at mga personalidad mula sa iba't ibang sektor ng komunidad upang makita ang inagurasyon ng unang babaeng mayor ng lungsod.
Ipinangako ni Mayor Dimacuha na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya na mapaglingkuran ang sambayang Batangueno upang maging karapat-dapat sa pagtitiwala ng mga mamamayan ng lungsod.
Mula sa aniya'y pagiging simpleng maybahay at ina ng kanyang mga anak, naniniwala siya na siya ay hinubog ng kanyang mga karanasan sa larangang ito upang magkaroon ng malawak na kaalaman at damdamin upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Nanawagan si mayor na sa halip na magsiraan ay magkaroon ng pagkakaisa at pagtutulungan ang mga tao upang mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga taga lungsod.
Lahat aniya para sa kanya ay pantay pantay kung kayat isusulong niya ang kabutihang pangkalahatan sa pamamagitan ng 10-year development plan at ng kanyang eight-point agenda.
Magiging panuntunan aniya ng kanyang administrasyon sa pagbibigay ng trabaho o kabuhayan ay ang kasabihang
"give a person a fish and he will live for a day, teach a person how to fish and he will live for a lifetime".
Nanumpa rin kay Associate Justice Perez ang mga bagong halal na mga myembro ng Sangguniang panglungsod na sina Narciso Macarandang, Marvey Marino, Eloisa Portugal, Claudette Ambida, Hamilton Blanco at Armando Lazarte.
Nagkaroon din ng awarding ng plaque of recognition kay dating Mayor Eduardo B. Dimacuha bilang pagkilala sa 18 taon ng kanyang mahusay na pamumuno sa lungsod. Ilan sa mga nagkaloob ng plake ay ang DILG, Liga ng mga Barangay, SK, KALIPI, Rural Improvement Club (RIC), De Ed at mga department heads ng lokal na pamahalaan.
Bago ang naturang oath taking ceremony, isang concelebrated mass ang isinagawa sa pangunguna ni Arch. Ramon Arguelles.
Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng paglilipat ng simbolo ng kapangyarihan o turn over ceremony ng Batangas City Seal and folder of administration at ng traditional unity gesture of victory ng mga bagong halal na opisyales ng lungsod.
Tampok din sa nabanggit na okasyon si Pilipinas Got Talent Grand Champion Jovit Baldivino.
(Ronna Endaya Contreras, PIO Batangas City)