Philippines Longest Painting
Nagtapos sa Batangas City noong June 28 ang last leg ng Philippines Longest Painting bilang pambato ng bansa sa Guiness Book of World Records sa World's Longest Painting in Continuous Canvas kung saan lumahok ang 17 rehiyon ng Pilipinas.
Ang pagpipinta ng natitirang 2.144 km ng pitong kilometrong painting na naglalarawan ng mga isda sa karagatan ng Pilipinas ay ginawa sa Batangas Livelihood Center sa Philippine Ports Authority sa loob ng isang araw ng mga kilalang local artists kagaya ni George Banawa at mga fine arts students ng Batangas State University kasama ang ilang mga banyagang pintor mula sa Cambodia, Thailand, Indonesia at Myanmar.
Pininta ni Banawa ang mga kilalang masasarap na isda sa Taal Lake kagaya ng Maliputo at Tawilis. Bukod kay Banawa, kasama din nito sina Cielo Mercado, Po Comagon, at iba pa.
Ayon kay Mary Rose Magnaye, Fine Arts student ng BSU ,napakalaking oportunidad para sa katulad niyang estudyante na makasama na magpinta ang mga kilalang artists at mapabilang sa patimpalak na ito sa pinakamahabang painting.
(Monina Beredo - Fernandez, PIO Batangas City)