|
Raid at Videoke
Nagsasagawa ngayon ng inspection ang Task Force on Nightclubs sa mga kainan sa Batangas City na lumalabag sa business permit nito dahilan sa nagiging beerhouses sa gabi kung saan nag-eentertain ang mga waitresses sa mga lalaking customers dito.
Sa inspection na isinagawa ng task force kagabi sa ilang mga kainan sa Maselang St., 58 waitresses na nag-eentertain na kanilang mga customers ang napagalamang nagtatrabaho ng walang working permit at anim sa mga ito ang menor de edad.
Ayon sa RA 7610 Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation & Discrimination Act, pinagbabawal ang pagtanggap ng mga empleyado na wala sa hustong gulang.
Ang anim na menor de edad ay agad na ibinigay sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office at pag katapos ay inilipat sa pangangalaga ng Visayan Forum Foundation sa bahay silungan sa Philippine Ports Authority upang mabigyan ng kaukulang counseling habang inihahanda naman ng CSWD ang kasong ibibigay sa mga nag recruit sa mga ito.
Ayon sa Business Permits and Licensing Office may report sa kanila na ang kainang ito sa Maselang St. ay nagiging front ng prostitusyon. Anila, sa talaan ng kanilang tanggapan ang mga kainang ito ay nasa kategorya ng lomian at restaurant, subalit pag sapit ng gabi ito ay nagiging inuman na may mga babaeng nag eentertain.
Ayon kay SPO2 Sonia Cueto PNCO In- Charge ng WCPC, patuloy ang kanilang operasyon sa night clubs, bar, at beer houses upang mapangalagaan ang mga kabataan at mga kababaihan sa kanilang mga karapatan. Dapat ding maseguro na ligtas sila sa mga nakahahawang sakit.
Kabilang sa task force na ito ang mga kinatawan ng Women and Children Protection Center at Alert Team ng BATangas City Police, Public Information Office, City Social Welfare and Development Office, (CSWDO) at Business Permits Division. (Liza P. Delos Reyes, PIO Batangas City)
|