|
Soybean
Humigit kumulang sa P15-20 bilyon sa isang taon ang halaga ng soybean na inaangkat sa bansa kung kayat mahalagang mapalawak ang lokal na produksyon nito upang matugunan ang pangangailangan ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Elmer Enicola, researcher sa Institute of Plant Breeding sa University of the Philippines Los Banos sa seminar tungkol sa soybean production ng isinagawa ng Crops Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services kaninang umaga kung saan siya ang resource speaker at dinaluhan ng mahigit 100 magsasaka ang dumalo.
Ayon sa kanya, 99% ng supply ng soybean sa Pilipinas ay inaangkat kung kayat malaking halaga ang ginugugol ng pamahalaan para dito.
Tinalakay ni Enicola ang mga topics tungkol sa soybean, kung ano ito at ang pinanggagalingan nito. Gayundin ang production, cultural management, integrated pest management, post- harvest handling and processing at maging ang marketing.
Aniya, masustansyang pagkain ang soybean o utaw sapagkat ito ay mayaman sa protina at mas mura kaysa animal protein.
Ilan sa mga produktong mula sa soybean ay ang taho, tokwa, toyo at soymilk. Ito din ang pangunahing pangangailangan ng feeds at livestock industry.
Hinikayat niya ang mga magsasaka na magtanim ng soybean sapagkat bukod sa madali itong itanim, malaki din ang potensyal nito sa merkado at malaki ang maitutulong upang higit na mapaunlad ang farm ecology at diversity sa bansa. (Ronna Endaya Contreras, PIO Batangas City)
|