Kababaihan Fashion Show 2010
Isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon ang Kababaihan 2010 na isang proyekto ng Home Extension Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services o OCVAS. Ito ay ginanap noong July 15 sa People's Quadrangle.
Layunin ng nabanggit na kompetisyon na maishowcase ang mga dinesenyo at ginawang damit, maging mga accessories at gayundin ay maipakita ang talento sa paggagawa ng ibat-ibang hair style at make-up ng mga lumahok sa livelihood trainings ng OCVAS.
Ang mga participants ay yaong mga nagsipagtapos sa pagsasanay sa dressmaking, beadworks & accessories at hair & make-up.
Ang Kababaihan 2010 ay nilahukan ng labindalawang modelo. Bawat isang modelo ay may tig-isang fashion designer, hair & make-up artist at stylist.
Tinanghal na Best Model si Michelle Amul, Best in Hair & Make-Up Artist si Teofita Olango, Best in Accessories Stylist si Maria Esperanza Ababao at Best Fashion Designer si Livinia Panapanaan.
Ang lahat ng mga kagamitan na ginamit ay libre mula sa pamahalaang lungsod ng Batangas.
Naging hurado sina Buddy Castillo ng Nards Salon, Annabelle Montenegro businesswoman at Katherine B. Antenor ng Ching's Creation.
Ayon kay Montenegro, napakaganda ng proyektong ito ng lokal na pamahalaan sapagkat ito ay isang paraan upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga kababaihan sa lungsod at karagdagang kita para sa kanilang pamilya.
Ayon naman kay Corazon Rivera, Supervising Home Extension Specialist ng OCVAS, bukod sa mga training at seminar na ipinagkakaloob nila, mayroon din silang outreach program sa ilang mga Barangay.
Lubos naman ang kasiyahan ni Dra. Loyola Bagui, hepe ng OCVAS sa magandang resulta ng nasabing kompetisyon.
Samantala, dumalo sa nasabing programa si Mayor Eduardo B. Dimacuha kung saan tumanggap siya ng certificate of recognition mula sa Crops Division ng OCVAS.
Gayundin ang Eggplant Grower's Association, Yellow Corn Growers Association at si G. Calito Llanto ng Brgy. Paharang East bilang Outstanding Corn Farmer ng Regional Gawad Saka Winners.
(Monina Beredo - Fernandez, PIO Batangas City)