Bahay Pag-asa bukas sa mga taong nangangailangan ng pagkalinga

news-69-01.jpg

BATANGAS CITY- Mga inabandona at napariwarang mga bata, matandang nangangailangan ng pagkalinga , mga babaeng biktima ng pang-aabuso at mga mentally distressed o may sakit sa pag-iisip ang kabilang sa mga pinatutuloy at inaalagaan sa Bagong Pag-asa sa Lungsod ng Batangas Transition and Rehabilitation Home for Needy Individuals.

Ang naturang pasilidad ay binuksan noong December 2013 bilang isang Gender and Development(GAD) Program ni dating Mayor Vilma Dimacuha kung saan ito ay nagsisilbing pansamantalang tahanan sa mga napabayaan, hindi malaman ang pamilya at nangangailangan ng agarang pag-aruga. Sila ay pinapakain, may maayos na living quarters, at ginagamot ang sakit sa tulong ng City Health Office o referral sa mga doktor at ospital. Sumasailalim din sila ng counselling, individual o group therapy, capability-building at life skills sessions at religious services bilang bahagi ng kanilang rehabilitasyon upang maiangat ang kanilang pagkatao at magkaroon ng kakayahang harapin ang hamon ng buhay paglabas nila ng institusyong ito. Binibigyan din sila ng edukasyon kung saan may mga batang ine enrol sa paaralan sa pakikipagtulungan ng Department of Education kagaya ng kaso mg isang special child na kasalukuyang pinapag-aral sa Special Education.

Mayroon ding livelihood and productivity skills training at job placement assistance upang mabigyan sila ng oportunidad na makapag hanapbuhay sa hinaharap.

Ayon kay Charity Nuñez, center head at social worker ng City Social Welfare and Development Office na siyang nangangasiwa sa Bahay Pag-asa, may average na walo hanggang 10 kliyente ang kanilang natatanggap bawat buwan. “May mga battered wives, mga batang nangangailangan ng spesyal na proteksyon kagaya ng rape victim o kaya naman ay mga naglayas. Mayroon ding mga children- in- conflict- with the law na may court order para sa temporary custody. “ Ang mga kasong ito ay pwedeng walk-in o referral ng mga barangay at kapulisan kung saan kailangan muna ng police report at medical certificate bago matanggap ang isang kliyente. Sumasailaim din ang isang kliyente ng interview, kumakalap ng mga impormasyon tungkol sa kanya at ibayong assessment bago matanggap sa pasilidad.

Habang nasa loob ng pasilidad ang mga residente, kumikilos din ang staff sa pamamagitan ng networking sa ibang local government units at non-government organizations para sa re-integration ng mga residente. Hinahanap ang pamilya ng mga residente upang maibalik sila sa mga ito. Ang mga may sakit o nangangailangan ng ibayong rehabilitasyon at treatment ay inere refer sa isang ospital o institusyon. Inaayos din ang papeles ng mga batang legal na kwalipikado para sa adoption. Ang stage na ito ng re-integration ang “termination of the case” na hinawakan ng Bahay Pag-asa.

“Isang taga Davao ang inihatid pa ng staff sa kanilang probinsya upang maibalik sa kanyang pamilya,” dagdag pa ni Nuñez.

Ang pasilidad ay may isang social worker, dalawang nurses, tatlong midwives na tinatawag na house parents, isang psychologist at administrative staff na naglillingkod dito. Ito ay mayroong 200-bed capacity.

Upang maitaguyod ang patuloy na operasyon ng Bahay Pag-asa, ito ay sinusuportahan ng mga partners nito na government agencies at yuong mga nasa private sector na, kagaya ng isang good Samaritan, ay nagbibigay ng kanilang tulong sa mga taong higit na nangangailangan ng pagmamahal at pagkalinga. (PIO Batangas City)

 

Sa kanyang muling pagbabalik, ganap ng hepe ng Batangas City Police si Police Supt. Danilo Mendoza ng siya ay umupo noong gabi ng January 9, ilang oras bago ipatupad ang ban ng Commission on Elections sa transfer o movement ng mga officers at employees sa civil service tuwing election period.