National government nagkaloob ng P101 M sa Batangas City noong 2016 para sa programa laban sa kahirapan

  senior1.jpg senior2.jpg senior3.jpg

BATANGAS CITY-Nakapagbigay ang pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office ng kabuuang halaga na P101 milyon sa Batangas City noong 2016 para sa mga programang naglalayong maiiangat ang kalidad ng buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Ayon sa ulat ng CSWDO, may halagang P13.9 milyon ang napunta sa supplemental feeding program para sa may 7,750 day care at 750 Bajau children upang maging malusog at magkaroon ng wastong nutrisyon ang mga ito.

Nagkaloob ng P1.7 milyon para sa Comprehensive Program for Sama Bajau Pantawid grantees kung saan may 671 pamilya ang nakinabang. Kabilang sa mga programang ito ay day care services sa 81 day care children, supplemental feeding sa 750 Bajau children, educational assistance na P448,000 sa may 224 bata , construction ng activity center para sa mga day care children, pagsasagawa ng community assembly at team-building activity at pagdaraos ng cultural presentation na tinaguriang “Pesta Igal” kung saan nagtanghal ang mga piling Bajau dancers ng kanilang mga katutubong sayaw sa Batangas City Convention Center.

May 2,256 na mahihirap na senior citizens ang tumanggap ng social pension na P500 bawat buwan sa kabuuang halaga na P13.5 milyon. Sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program, may P61.6 milyon ang napunta sa may 6,574 families kung saan halagang P300 ang ibinibigay bawat isa sa tatlong anak na nasa elementarya at P500 naman bawat isa rin sa tatlong anak na nasa high school.

Sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program, P10 milyon ang naibigay para sa maliit na negosyo ng may 945 beneficiaries. (PIO Batangas City)