Pagpila ng mga pasahero sa loading at unloading areas ipapatupad

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Isang resolusyon ang inihain ng Sangguniang Panlungsod sa regular session nito noong April 10, na humihikayat sa Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) na ipatupad ang “queuing policy” o pagpapapila ng mga pasahero sa loading at unloading areas sa poblacion upang maseguro ang kanilang kaligtasan at magkaroon ng maayos na sistema.

Ayon kay Konsehal Oliver Macatangay na siyang sponsor ng nasabing resolusyon, mapapansin ang bunton ng mga tao sa mga loading at unloading areas lalo na kung rush hour kung saan ang mga ito ay nag-uunahan sa pagsakay sa jeep.

Nagiging magulo at maaaring maging dahilan ng injury aniya kapag ganitong naguunahan sa pagsakay sa jeep ang mga tao.

“Nararapat na maging disiplinado ang mga tao kahit sa simpleng pagpila upang maging maasyos at ligtas ang kanilang pagsakay sa jeep. Binibigyang pahalaga rin ng resolusyong ito ang mga persons with disability (PWDs) at senior citizens na magkaroon ng bukod na pila at maka upo sa unang upuan ng sasakyan na sadyang laan para sa kanila,’’ dagdag pa ng konsehal.

Ang mga traffic aides ng TDRO ang mangangasiwa ng pagpapapila na gagawing first come first served. Makikipag-usap si Macatangay sa OIC ng TDRO na si Engr. Francisco Beredo kung pwedeng magdagdag ng traffic aides dahilan sa karagdagang tungkulin ng mga ito.

Nakikipag-ugnayan din ang konsehal sa TDRO sa posibilidad ng pagkakaroon ng shelter sa mga loading and unloading areas upang may masilungan ang mga tao kapag mainit o umuulan. Sinabi ni Konsehal Macatangay na magkakaroon muna ng dry run bago ipatupad ang queing policy upang maihanda ang publiko. (PIO Batangas City)