Nahirang na outstanding farm family sa rehiyon mula Batangas City

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Pinatunayan ng isang pamilya ng magsasaka na sa pamamagitan ng sipag, tiyaga at pagtutulungan upang maisulong ang kabuhayan, magiging isang kwento ito ng tagumpay hindi lamang sa pamilya kundi sa pagpapaunland ng agrikultura.

Ito ang inani ng pamilya ng mag-asawang Monte at Gregoria Manalo at ng kanilang mga anak na sina Wilson, Jameson at Kathleen ng barangay Pinamucan Ibaba, Batangas City ng tinanghal sila bilang Outstanding Farm Family sa 2018 Regional Gawad Saka awarding ceremonies noong ika-13 ng Oktubre sa Great Eastern Hotel sa Quezon City.

Sila ay tumanggap ng plake at cash prize na P 75,000 bilang pagkilala sa kontribusyon ng kanilang pamilya sa larangan ng agrikultura sa pamayanang kanilang ginagalawan.

Ayon kay Monte, may 20 taon na siyang vegetable grower. Mula sa pangongontrata ng electrical works, pinasok niya ang pagtatanim ng ibat-ibang klase ng gulay tulad ng talong, kalabasa, sitaw at ampalaya o yaong mga gulay aniya na sangkap sa pinakbet. Nasa 150 kilos ng gulay ang kanilang dinadala at inilalako sa bagong palengke kung saan kumikita sila ng P 30,000-P50,000 kada buwan. Mula dito ay nakapagpundar na siya ng bahay, nakabili ng sasakyan at may sapat na pangtustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak at sa kanilang pang araw araw na pamumuhay.

Dahil sa pagtatanim at pagsasaka ang kinagisnan ng kanilang mga anak, naging katulong nila ang mga ito sa pagpapalago ng kanilang taniman.

Ayon sa regional director ng Department of Agriculture CALABARZON na si Engr. Arnel de Mesa, layunin ng Gawad Saka na kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga magsasaka sa pagiging katuwang ng Kagawaran ng Sakahan sa adhikain nitong mapaunlad ang agrikultura hindi lamang sa rehiyon gayundin sa buong bansa.

Binati niya lahat ng mga nagsipagwagi at hinikayat na patuloy na magsilbing inspirasyon sa kapwa nila magsasaka upang mas maitaas ang antas ng agrikultura.

Binigyang diin naman ni Agricultural Training Institute IV-A Center Director Marites Cosico ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng mga magsasaka. Wala aniyang pagkain sa bawat mesa kung wala ang mga ito.

Ayon sa mensahe ni PHILCOA IV-A OIC-Regional Manager Andrew Edrada “nagbunga ang paghihirap ng mga magsasaka kung kayat nararapat itaguyod ang kanilang kapakanan at bigyan ng pagsaludo ang mga ito sa kanilang pagpupunyagi.”

Lubos ang kasiyahan ng pamilya Manalo sa karangalang nakamit na hindi nila inaasahan at hindi matutumbasan ng anumang halaga. Taos puso ang pasasalamat nila sa ayudang patuloy na ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod upang mas mapalago at mapaganda ang kanilang ani.

Nakiisa din sa nasabing okasyon ang chairman ng Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) CALABARZON na si Pedrito Kalaw.

Ginawaran naman ng Certificate of Recognition si Mayor Beverley Rose Dimacuha dahil sa kanyang puspusang pagyakap sa mga adhikain ng Kagawaran ng Pagsasaka gayundin si Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) chief Dr Macario Hornilla.

Tumanggap din ng sertipiko ng pagkilala sina Batangas Provincial Committee Chairperson/Coordinator Flora Andal at Agricultural Extension Worker Albert Serquina ng OCVAS dahil sa kanilang suporta at paggabay na nagresulta ng pagkilala sa natatanging farm family ng CALABARZON na mula sa lungsod ng Batangas.(PIO Batangas City) )