Fluvial procession ng Sto. Nino sa mata ng mga photographers

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ang larawan ng isang bata habang nag-aabang sa pagdaan ng prusisyon ng Mahal na Patrong Sto. Niño ang naging winning piece ng 26 na taong gulang na si Marc Anthony Caparas na back to back na nanalo ng first place sa taunang Photo Contest kaugnay ng pagdiriwang ng city fiesta.

Ang awarding ceremony ay ginanap sa SM City Batangas noong January 12 kung saan may 92 entries ang lumahok sa patimpalak at nagbigay ng kani kanilang larawan tungkol sa fluvial procession ng Sto. Nino.

Ayon sa judge na si Lilibeth Peñaflor, isang full time visual artist na na featured sa 2018 Magazine 43 Hongkong Fall Issue, unanimous ang kanilang naging desisyon sa pagpili ng mga nagwagi. May “story to tell, emosyon at focal point ang entry ni Caparas,” sabi niya.

“Nakita namin sa kinunan nyang larawan na gusto nung bata na maging bahagi ng selebrasyon sa tradisyong nais ipasa ng mga matatanda. Yung moment na yun will be a history na at ikukwento nya sa mga susunod na henerasyon kaya hindi mawawala ang tradisyon” sabi ni Penaflor.

Ayon pa rin sa kanya, magaganda ang pagka capture ng event ng mga photographers at kahit hindi siya naka- attend sa okasyon, nakita niya ang story sa pamamagitan ng mga photos.

“Photography is very challenging, maraming enhancement na pwedeng gawin, so sana yung ordinary eye, ma appreciate pa din dapat kung ano ang dapat ikwento ng photographer,” dagdag pa ni Peñaflor.

Bagamat may makabago nang teknolohiya at madali na ang paggamit ng contrast at lighting sa mga larawan, ang mahalaga aniya ay kung paano iha-highlight ang kwento sa tulong ng mga supporting elements.

Tumayong chairman of the Board of Judges si Kapatiran at Ugnayan ng Natatanging Sining at Talentong Pilipino o KUNST President na si Virgilio Cuizon kasama din ang multi-awarded artist na si Aris Bagtas. Ayon sa kanila, “the best selection ang entries ngayong taong ito.”

Nanalo ng ikalawang pwesto si Rolando Chua Jr at 3rd prize winner naman si Roger Mando.

Nagbigay din ng limang special prize na P 3,000 at medalya kina Howard Trambulo, Jomar Lopez, Roy Gavilan, Cesar Salomon at Leonila Fruelda.

Nagpaabot ng pasasalamat si SM City Batangas Assistant Mall Manager Engr Bernard Coronel sa pamahalaang lungsod ng Batangas dahil sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na maging venue ng naturang proyekto sa pagshoshowcase ng talento ng mga Batangueno artists.

Sa pamamagitan naman ni Local Economic and Investment Promotion Officer at Cultural Affairs Committee Member Erick Sanohan, ipinahatid ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang pasasalamat nito sa SM City Batangas bilang katuwang ng pamahalaang lungsod sa pagtataguyod ng naturang proyekto.

Ang photo exhibit at ang display ng mga art works ng mga lumahok sa Children’s Art Competition sa nasabing mall ay tatagal hanggang January 16.