Cancer pangalawa sa nakamamatay na sakit

  1.jpg

Cancer ang ikalawa sa 10 nangungunang dahilan ng mortality o kamatayan sa Batangas City at upang matugunan ito, nagkakaloob ang City Health Office (CHO) ng mga serbisyo upang maiwasan o magamot agad ang sakit na ito partikular sa mga kababaihan.

Kabilang sa mga screening procedures para sa cancer detection na ginagawa sa mga rural health units sa ilalim ng Cancer Control and Prevention Program ng CHO ay ang visual inspection with acetic acid (VIA), papsmear at breast examination.

Noong October at November 2018, nagsagawa ang CHO ng lecture sa breast cancer awareness sa isang samahan ng mga kababaihan- ang Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI), upang mabigyan sila ng kaalaman sa early detection at prevention ng breast cancer na nangungunang uri ng cancer sa mga kababaihan . Sumailalim din sila sa papsmear at breast examination.

Nagsagawa rin noong isang taon ng orientation ang CHO sa may walong public elementary schools tungkol sa immunization sa cervical cancer. Ang mga paaralang ito ay ang Batangas City East Elem. School, Batangas City South E/S, Alangilan E/S, Kumintang Ilaya E/S, Libjo E/S, Sta. Rita E/S, Bolbok E/S at Julian A. Pastor Memorial E/S.

Ayon sa CHO, sila ay nagbibigay ng libreng bakuna laban sa cervical cancer sa mga Grade 4 students na edad 9-13 taong gulang sa mga public elementary schools. Ang bakuna ay ibinibigay sa dalawang doses sa isang taon na ang ikalawang dose ay sa ika anim na buwan.

Samantala, iniulat ng CHO na ang siyam pang nangungunang dahilan ng mortality sa Batangas City noong 2018 ay ang ischemic heart diseases, pneumonia, cardiovascular diseases, other forms of heart diseases, hypertensive cardiovascular disease, diabetes mellitus, glomerular or kidney diseases, accidents at chronic lower respiratory diseases.