Dep Ed Batangas City nag-advance celebration ng golden anniversary

  1.jpg 10.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nagdaos ng dalawang araw na advance celebration ang Department of Education Batangas City ng kanilang 50th anniversary na sinimulan ngayon, March 7, sa Batangas City Coliseum.

Sampung grupo ng mag-aaral mula sa pampublikong elementarya at sekondarya ang nagpakitang gilas sa kanilang field demonstration gamit ang makukulay na costumes at props at sinaksihan ng libo-libong guro at estudyante.

Ayon kay Dr. Donato Bueno, city schools division superintendent, napaka-makasaysayan ng selebrasyon ngayong taong ito sapagkat bukod aniya sa golden anniversary, naging ISO certified na rin ang dibisyon noong nakaraang Disyembre.

“Double celebration ito para sa atin, dahil alam naman natin kung gaano kahirap magkaroon ng ISO certification ang isang entity. Ibig sabhin lamang nasa tamang landas tayo at sana magtuloy-tuloy ito sa susunod pang limampung taon,” sabi ni Bueno.

Sinabi rin ng Dep Ed head na sinadya nilang agahan ang pagdiriwang ng kanilang anniversary upang hindi magkaroon ng ‘conflict’ sa pagdiriwang din ng golden anniversary ng lungsod ng Batangas sa July.

“Ang eksaktong date po ng ating founding anniversary ay sa Agosto, subalit pinili po natin na gawin ng mas maaga sapagkat alam nyo naman na 50th anniversary din ng lungsod sa July at sigurado pong napakarami din nating activities doon,” dagdag pa ni Bueno.

Bukod sa field demonstration ng mga estudyante, may inihanda ding rigodon sa gabi ng unang araw na lalahukan naman ng mga teachers, principals, at mga district supervisors.

Sa ikalawang araw ng selebrasyon, 37 pares na mga teachers mula sa ibat-ibang paaralan sa lungsod ang maglalaban-laban para tanghaling Mr. And Miss Deped Batangas City 2019. Ito ay gaganapin sa Batangas City Convention Center sa March 8, 7:00 ng gabi.

Ang naturang pageant ay inilunsad bilang isang income-generating project kung saan ang malilikom na pondo ay gagamitin para sa mga improvements na gagawin sa division office.(PIO Batangas City)