Pagbabago sa buhay Kristiyano layunin ng kapistahan ng Sto. Niño ng Batangan

  Kristiyano.jpg

BATANGAS CITY-Ipinahayag ng parish priest ng Basilica of the Immaculate Conception na si Rev. Fr.Aurelio Oscar Dimaapi na una at higit sa lahat, dapat maging layunin ng pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal ng Poong Sto. Niño ng Batangan ang pagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob niya at pangalawa ang pagpaparangal sa Sto. Niño sa pagsusulong ng pananampalataya at para sa patuloy na pag-unlad ng mga mamamayan ng lungsod.

Ayon sa kanya, ang pangatlong layunin ay magsilbi sana itong paraan upang mabago ang ating buhay Kristiyano. “Bilang mga binyagan, may pangako tayo sa Diyos at katapatan sa kanya na babaguhin natin ang ating buhay Kristiyano, kung ito ay tumatahak pa sa landas para sa Diyos o may ibang impluwensya na sa ating buhay sa mundo,” sabi ni Fr. Dimaapi.

“Nakikita kong may kakaibang pananampalataya ang Batangueno at iyan ay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Holy Eucharist. Ang Banal na Misa ang sentro ng ating buhay Kristiyano,” sabi ng parish priest. Natutuwa aniya siyang makitang laging maraming nagsisimba kahit sa mga barangay mula 5:00 ng umaga hanggang sa huling misa sa 7:00 ng gabi.

Tungkol sa mga problemang kinakaharap ng bansa, binanggit ng parish priest ang karahasan o patayang nagaganap kaliwa’t kanan. Mahalaga aniya ang pagpapahalaga sa buhay ng tao sapagkat ito ay regalong biyaya ng Diyos at ito ay sagrado. “Ang pagkitil sa buhay ng tao ay palatandaan na ang pananampalataya ay hindi na para sa Diyos.Hindi pwedeng pagsamantalahan ang buhay ng tao. The end does not always justify the means kahit na gaanong kaganda ang layunin kung ang pamamaraan ay kitilin ang buhay na handog ng Diyos sa tao,” dagdag pa ni Fr. Dimaapi. Nalulungkot aniya ang mga pari kapag tinatanong nila ang dahilan ng pagkamatay ng taong kanilang mimisahan at ang sagot ay ito ay pinatay.

Binigyang diin niya na dapat pakasuriin kung ano ang puno’t dulo kung bakit nagkakaroon ng patayan kabi kabila at handang tumulong ang simbahan sa pagpuksa sa ugat ng karahasang ito. (PIO Batangas City)