Birth Certificates Libreng Ipinamigay ng City Civil Registrar’s Office

  birthcertificate.jpg

BATANGAS CITY - May 3,234 estudyante na papasok sa grade 1 sa mga public schools ngayong school year ang tumanggap ng kanilang birth certificates na libreng ipinamigay ng City Civil Registrar’s Office (CRO) pagkatapos ng flag ceremony ng mga kawani ng pamahalaang lungsod noong June 13.

Tinanggap ng mga district supervisors ng 10 district public schools ng Lungsod ang mga birth certificates upang ibigay sa mga magulang na mga bata.

Ang birth certificate ay hindi lamang isang requirement sa school enrollment kundi sa iba pang mahalagang aspeto sa buhay ng isang tao. May kabuuang P161, 700 na halaga ang naipamigay sa ilalim ng programang Oplan Kamalayan 2017 -2018.

Layunin nito na mapalawak ang kamalayan ng mga magulang sa kahalagahan ng pagpapatala ng kapanganakan ng kanilang mga anak.

Ayon kay Josie Maranan, hepe ng Batangas City CRO, ang proyektong ito ay 15 taon na nilang isinasagawa upang makatulong sa mga magulang na kulang sa salapi upang makakuha ng birth certificate o yuong mga nakatira sa mga malayong barangay upang hindi na sila pumunta pa sa bayan upang makakuha ng mahalagang papel na ito. (PIO Batangas City)