Fluvial procession pagpapakita ng debosyon sa Sto. Niño

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Muling ipinakita ng mga taga Batangas City ang kanilang malakas na debosyon sa Mahal na Patrong Sto. Niño sa idinaos na fluvial procession kung saan hindi lamang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap ang kanilang panalangin kundi ang patuloy na tulong at gabay sa kanilang buhay.

Ang taunang fluvial procession ng Sto. Niño sa Calumpang River ay idinadaos tuwing simula ng nobena ng kanyang kapistahan sa ika-16 ng Enero.
Ang Calumpang River ay isang makasaysayang ilog sa lungsod kung saan pinaniniwalaan na nakita ang imahe ng Sto. Niño habang ito ay nasa ibabaw ng lumulutang na troso.

Ilan sa mga debotong lumahok sa prusisyon ang pamilya ni Erlyn Buenabao, 57 taong gulang na residente ng barangay Gulod Labac. “Deboto ako ng Sto Niño since birth dahil ito ay nakagisnan ko na sa mga magulang ko at ipinagpapatuloy naming ng aking asawa at mga anak hanggang sa kasalukuyan. Ginagabayan kami ng Sto Niño, binigyan niya kami ng magandang buhay. Government employee ako habang OFW naman ang aking asawa na taga Tondo, Manila, meron kaming tatlong anak,” sabi niya.

Para kay Mang Ruben, dating kagawad ng barangay poblacion 7, wala pa aniya siyang hiling na hindi napagbigyan ng Mahal na Patron kung kayat siya ay laging nakikiisa sa fluvial procession at may pagkakataong sumasama pa sa bangka. “Habang nabubuhay ako ay ipagpapatuloy ko ang debosyon ko sa Sto Niño,” dagdag pa niya.

Si Severina Mendoza na magdiriwang ng kanyang ika-85 taong kaarawan bukas ay isa ring deboto. Siya ay retired agriculturist. Ibinigay aniya ng Patron ang kanyang dasal na magkaroon ng sariling bahay kung kayat simula noon ay sumisimba na siya tuwing umaga at hapon araw araw at may 20 taon nang nagsisilbing collector sa simbahan. “Hindi pa ako naliban kahit isang beses sa pagdaraos ng fluvial procession,” sabi niya.

Ang magkapitbahay namang sina Lourdes Dimaano, 77 taong gulang at Anacoreta Ibon,82, ng barangay Cuta Journal ay kapwa deboto din. Dininig anila ng Sto Niño na sila ay gumaling sa karamdaman at nabigyan ng magandang kalusugan.

Nagsimula ang okasyon sa pagsundo sa imahe ng Sto. Niño sa Basilica of the Immaculate Conception nina Mayor Beverley Rose Dimacuha at Congressman Marvey Marino bandang ala una ng hapon.
Habang dumadaan sa may Julian A. Pastor Memorial Elementary School o JAPMES, nagwagayway ng mga banderitas ang mga eskwela bilang pagpupugay sa Sto. Niño.

Tumuloy ang motorcade patungong Batangas City Convention Center kasama sina Father Aurelio Dimaapi, parish priest ng Basilica, Fr. Gerard Macalinao at iba pang lay ministers kung saan idinaos ang Alay sa Sto. Niño Cultural Presentations. Nagtanghal dito ng production numbers ang 11 lumahok na paaralan sa temang “ Ginintuang Alay sa Sto. Niño”.

Pagkatapos ng cultural presentations, ipinagpatuloy ang motorcade ng Sto. Nino papuntang Barangay Cuta Duluhan kung saan nag-abang ang mga residente dito. Isinakay ang imahe sa decorated banca kasama sina Mayor Dimacuha, Vice-Mayor Dr Jun Berberabe, Cong. Mariño ilang mga city councilors at department heads.
Sa buong panahon ng fluvial procession, patuloy ang pagdadasal ng dalit sa Mahal na Patrong Sto Niño.