City govt. kinilala ng CSC dahil sa mahusay na human resource management

  1.jpg 2.jpg

Tumanggap ng Certificate of Recognition ang Batangas City government mula sa Civil Service Commission (CSC) Region IV-A noong December 11 sa Hotel Rembrandt, Quezon City dahilan sa nakapasa ang Human Resource Management and Development Office nito sa Maturity Level 2 Accreditation ng Enhanced Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME HRM).

Ang recognition ay tinanggap ni Mayor Beverley Dimacuha, kasama sina Human Resource Management Officer (HRMO) Aurea Castillo, OIC City Accountant Sherryl Bool at Public Affairs and Assistance Division Officer Manolo Perlada.

Ayon kay Castillo, mahirap makapasa sa level 2 ng nasabing accreditation dahil sa napakaraming dokumento at evidence requirements na kailangang isumite. Nagkaroon din ng on-site validation noong October 14-16, 2019 ang CSC.

Nabigyan aniya ang city government ng level 2 accreditation dahil nakasunod ito sa apat na HRM core systems kagaya ng Recruitment Selection and Placement, Performance Management, Learning and Development at Rewards and Recognitions. “Hindi lahat ng LGUs o government agencies ay nakapasa sa lahat. Usually ay nakakalusot sa isa o dalawang core systems pero tayo ay nakapasa mismo sa apat, “ sabi ni Castillo.

Nakita ng CSC na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng HR ang CSC guidelines sa recruitment at promotion ng mga empleyado kagaya ng background investigation, examination, panel interview ng Personnel Selection Board (PSB) at iba pa. Mayroon din ang HR na approved merit promotion and selection plan, equal employment opportunities tulad ng pag-i-empleyo ng mga may kapansanan at regular orientation ng mga empleyado.

Sa Performance Management, mayroon ang HR na monitoring tool para sa performance ng mga empleyado, at individual development plan para sa long at short term goal ng mga empleyado. Dito ay nakikita ng HR kung saang area mahina ang performance ng isang empleyado at nagkakaroon sila ng interventions.

Ipinatutupad din ng HR ang iba’t ibang orientation workshops, internal at external trainings para higit na maitaas ang kakayahan ng mga kawani ng city government at ng makapagbigay ng ibayong serbisyo sa publiko.

Ayon kay Castillo, bagama’t nagbibigay na ng recognitions and awards ang city government sa mga natatanging empleyado at mga retirees na nagbigay ng mahusay na serbisyo, higit pa itong palalakasin para maging ispirasyon ng mga empleyado sa kanilang de kalidad na paglilingkod.

Ang recognition na ito ay nagqua qualify sa Batangas City government sa national level awarding ng Civil Service Commission. (PIO Batangas City)