Gulayan sa paaralan at tahanan, inilunsad

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.png

Inilunsad ng Schools Division Office (SDO) of Batangas City ang Gulayan Program: Paaralan at Tahanan Magkatuwang, mga Kawani ng SDO ang Sandigan, sa layuning matugunan ang pagkain na syang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya. Ang launching ay isinagawa sa pamamagitan ng facebok page ng SDO Batangas City Virtual Learning Platform, August 17.

Ayon kay Dr Victoria Fababier, Chief ng Schools Governance and Operations Division, ang naturang programa ay ayon sa Dep Ed Memorandum No. 53 Series 2020 na may titulong Joint Implementing Guidelines on the 2020 Brigada Eskwela/ Oplan Balik Eskwela relative to the COVID19 situation.

Ito din niya ay naka angkla sa isa sa mga core values ng Dep Ed – ang pagiging makakalikasan at bilang pagsuporta sa programang Eto Batangueño Disiplinado ni Mayor Beverley Rose Dimacuha. Binigyang diin ni Dep Ed Superintendent Dr Zaldy Bolanos na hangad ng nasabing programa na masolusyunan ang problema sa malnutrisyon at maipromote ang pagtatanim at pagkain ng gulay sa mga kabataan.

Hinikayat niya na gamitin ang mga bakanteng lote sa bakuran ng mga tahanan. “Bukod sa gaganda ang kapaligiran, makakatulong pa sa kalikasan” ang pagtatanim, ayon kay Bolanos. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Dimacuha na simula pa lamang ng pandemya ay inatasan na niya ang OCVAS na mamigay ng mga buto ng gulay upang masigurado na hindi magugutom ang mga mamamayan.

“Sa programa ng Dep Ed na gulayan sa tahanan, matuturuan natin ang ating mga mag-aaral ng kahalagahan ng pagtatanim ng gulay sa kanilang sariling bakuran at bukod sa tulong sa kalusugan at kabuhayan na maidudulot nito sa pamilya ng ating mga mag-aaral, matuturuan din ng kasipagan, tiyaga at pagkamalikhain ang ating mga mag-aaral”, ayon kay Mayor.

Binigyang diin naman ni Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) Dr Jeopi Falqueza, tunay ang kasabihan na “kapag may itinanim, may aanihin”.Sa tulong aniya ng gulayan program, magkakaroon ng sapat na pagkain ang bawat pamilya at maging ang pamayanan. Magsisilbi din aniya itong “bonding time” ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Ipinayo naman ni City Veterinarian Dr Macario Hornilla na ang nasabing programa ay isang magandang hakbang upang maturuan ang mga kabataan sa kahalagahan ng pagtatanim. Makakatulong aniya ang vegetable gardening upang maitaguyod ang kabuhayan ng bawat pamilya.

Nagpaabot ng pasasalamat ang SDO Batangas City kina Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Marino sa suportang ipinagkakaloob ng mga ito sa Dep Ed. Nagbahagi ng ibat-ibang kaalaman hinggil sa mga uri at paggamit ng organikong pataba si Albert Serquiña, Agricultural Technologist mula sa OCVAS.

Ang virtual launching at training ay nilahukan ng mga SDO Personnel, School Heads, DRRM Coordinaors, SSG/SPG Advisers, YES O Advisers, SSG and SPG Presidents and YES O Presidents sa lungsod. (PIO Batangas City)