Kwento ng paglaban sa COVID19

  1.jpg

Wagi laban sa COVID19 si Rose Virginie Gamboa, 21 taong gulang na fresh graduate sa kursong BS Accountancy sa LPU-Batangas.

Siya si patient No. 206 mula sa barangay 20 na nagpositibo sa corona virus disease sa Batangas City. Nagkaroon siya ng close contact sa isang positive case nang hindi nya nalalaman. Nang magsimulang makaramdam ng sintomas tulad ng pananakit ng ulo at katawan gayundin ng panghihina at pagkawala ng pang amoy, nagkaroon siya ng “ gut feel” na mayroon siyang COVID 19. Wala syang takot na nadama at nanatiling kalmado nang ito ay kanyang makumpirma.

Dinala siya sa isolation facility at nagtagal ng 17 araw. Dahil bunso sa tatlong magkakapatid, bagong experience para sa kanya na matulog ng mag-isa. “Buong buhay ko sanay ako na may kasama ako sa kwarto kapag natutulog”, ayon kay Rose. Bagamat nakaramdam ng hirap sa paghinga, hindi siya nagpadala sa ospital upang hindi mag-aalala ang kanyang pamilya. “Dahil aware ako na may fatalities ang sakit na ito, naikondisyon ko yung sarili ko mentally beforehand, hindi ako nagpadala sa lungkot at depresyon kaya mabilis akong nakabangon”, ayon pa din kay Rose. “Kinausap ko si Lord nung time na yun at dun ko napatunayan kung gaano ka powerful ang prayers”, pinakinggan Niya yung mga panalangin ko , sabi niya. Idinagdag pa niya na malaking tulong ang support system na nakuha niya mula sa kanyang pamilya at mga kaibigan.

Kwento ng paglaban sa COVID19 Naniniwala siya na kung meron mang makakaintindi nang lubos sa epekto ng COVID-19, ito ay ang tulad niya na nakaranas nito. “Hindi ako dapat matakot o mahiya sa kung ano man ang sasabihin ng iba”, ayon kay Rose. Kaya kahit may halong pangamba, pinili niyang ilahad kanyang naging karanasan at mga natutunan. Nagbigay din siya ng ilang tips sa kanyang facebook page kung paano maiiwasang tumaas ang bilang ng kaso ng COVID19 tulad ng pagpapalaks ng immune system, palagiang paghuhugas ng kamay, pagdidisinfect, pag-iwas sa hiraman ng gamit gaya ng mga kubyertos, tamang paraan ng pagdispose ng mask at iba pa. Ito aniya ay bilang tulong na rin sa mga medical frontliners na malaki ang sakripisyong ginagawa sa paglaban sa sakit na ito.

Bukod sa taos pusong pasasalamat sa pamahalaang lungsod, binigyang diin niya na sundin ang mga health at safety protocols na ipinatutupad nito bilang isang responsableng Batangueno.

Plano ni Rose Virginie na kumuha ng CPA Licensure Exam sa susunod na taon. (PIO Batangas City)