Pagbabahay bahay para sa national ID system, simula na

  1.jpg

Sinimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbabahay-bahay para sa pre-registration sa national ID system, October 12. Ito ay tatagal hanggang December 30. Ayon kay PSA Regional Director Charito Armonia, layunin ng ng Philippine ID system na magkaroon ng pagkakakilanlan ang isang indibidwal at mapadali at mapabilis ang transaksyon sa gobyerno. “Ito ay magsisilbing foundational ID kung saan bukod sa mahahalagang impormasyon mayroon din itong larawan, iris scan at biometrics,” sabi ni Armonia.

Sa unang hakbang, kukuhanin ng mga registration officers ang demographic data ng indibidwal tulad ng pangalan, date at place of birth, blood type, address at iba pa. Ito ay (tablet based) computer assisted personal interview.

Sa ikalawang step, kailangang pumunta ng indibidwal sa designated registration center para sa biometrics na magsisimula sa November 25. Bagamat hindi mandatory, hinihikayat ng PSA ang publiko na kumuha ng national ID dahil dito rin padadaanin ang ayuda o benepisyo na ipagkakaloob ng gobyerno. Binigyang diin ni Armonia na ito ay libre at panghabambuhay na gagamitin.

Tiniyak din niya na secured ang makakalap na datos at sumusunod ang kanilang ahensya sa patakaran sa data privacy. Nasa limang milyong Pilipino mula sa unang 32 probinsiya sa bansa ang target ng na maparehistro ngayong taong 2020. Ito ang mga probinsiya ng mga itinuturing na may low-income households na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inaasahan na bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022, target ng PSA na makapagparehistro ang nasa 108 milyon Filipino o buong populasyon ng bansa sa national ID system. Samantala, hiniling din ni Armonia ang suporta at kooperasyon ng mga mamamayan sa isinasagawang Census for Population and Housing na isinasagawa kada 10 taon para sa pagbabalangkas ng mga proyekto at programang ipapatupad ng gobyerno. Ito ay sinimulan noong Setyembre at inaasahang matatapos sa Nobyembre. (PIO Batangas City)