Maagap na pagtugon sa pinsalang dulot ng bagyong Quinta, ipinag-utos ni Mayor Dimacuha

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ipinag-utos ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang agarang pagsasagawa ng assessment at inventory ng mga napinsalang imprastraktura ng bagyong Quinta sa Batangas City sa isinagawang Rapid Damage and Need Assessment and Analysis (RDNAA) meeting ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC), October 26.

Ang nasabing kautusan ay ipinaabot ni Mayor Dimacuha sa pamamagitan ni Secretary to the City Mayor Atty. Reginald Dimacuha na kumatawan sa kanya sa naturang pagpupulong. Layunin nito na kaagad na matugunan ng pamahalaang lungsod ang pangangailangan ng mga mamamayan sa lungsod na naapektuhan ng bagyo na nanalasa ngayong araw, Nais din niya na maagap na makapagsagawa ng relief operation sa mga apektadong pamilya sa mga baybaying barangay at matiyak na may sapat na suplay ng pagkain ang mga pamilyang lumikas na sa mga evacuation center sa kasalukuyan.

Binigyang diin ni Atty Dimacuha ang kahilingan ng Punong lungsod sa City Engineer’s Office (CEO) at Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas sa 2nd District na maisumite kaagad ang listahan ng mga napinsalang imprastraktura upang sa tulong ni Congressman Marvey Marino ay makahingi ng pondo para ditto sa national government.

Nakalinya din ang pagbalangkas ng short term plan upang maibsan ang epekto ng mga nasirang karsada at tulay para sa traffic management.

Hinihintay din ni Mayor Dimacuha na maisumite ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) ang report sa mga pinsala ng bagyo sa agrikultura upang mabigyang prayoridad ang mga higit na kinakailangang proyekto.

Dumalo sa naturang pagpupulong ang kinatawan ng DPWH at mga opisyal ng Meralco sa Batangas kung saan iniulat ng mga ito na patuloy ang kanilang isinasagawang pagsasaayos ng mga nasirang linya upang kaagad na maibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong barangay. (PIO Batangas City)