Bridge of Progress, MATIBAY at LIGTAS DAANAN!

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Pinabulaanan ni City Engineer Adela Hernandez ang kumakalat na fake news sa facebook post ng isang netizen na hindi ligtas daanan ng mga sasakyan ang Third Bridge o Bridge of Progress sa Sitio Ferry, Barangay Kumintang Ibaba, dahil sa diumanong nangyaring pagnanakaw ng mga cable/ bolt nito.

“Bridge of Progress is structurally stable and safe!” pagdidiin ni Hernandez. Ayon sa kanyang ulat, ang binanggit ng netizen na cable/bolt ay ang temporary post tension bar na may plate at bolt na ginagamit sa installation ng box girder para ma-align ang mga ito bago ang installation ng 12 tendons sa bawat butas kung saan ang bawat tendon ay may pitong pirasong 12.5 mm diameter wires low relaxation strand grade 270 na siyang requirement ng American Society of Testing Materials (ASTM).

Idinagdag pa niya na ang mga tendons, dalawang piers, at dalawang abutments ang syang nagdadala ng box girders at hindi ang cable/bolt. “Nag iwan ang mga contractor ng tulay ng ilang sets ng temporary diaphragms with post tension bars sa 53 piraso -140 meter length segmented box girders na higit na nagpapatibay sa nasabing istraktura,” sabi ni Hernandez.

Ang Bridge of Progress rin aniya ang kauna-unahan at nag-iisang box girder superstructure designed bridge sa buong Pilipinas.

Nagbigay rin si Hernandez ng ilang rekomendasyon upang maiwasan ang nakawan at iligal na gawain a Bridge of Progress tulad ng paglalagay ng concrete hollow blocks na may maliit lamang na butas sa opening ng abutment kung saan diumano pumapasok ang mga magnanakaw ng cable/bolt gayundin ang paglalagay ng CCTV camera sa tulay at iba pa.

Ayon naman kay Batangas City Police Chief, PLtCol Julius Añonuevo, nahuli na ang ilang suspect at nakatakda na silang sampahan ng kasong pagnanakaw. “Tuloy ang surveillance sa iba pang suspects at sa mga junk shops na pinagbebentahan ng mga ninakaw na cable/bolts,” sabi ni Anonuevo. (PIO Batangas City)