P2.56B proposed budget ng Batangas City para sa 2022, inaprubahan ng SP

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ang proposed annual budget ng pamahalaang lungsod para sa taong 2022 na nagkakahalaga ng P2,567,670,000.00 sa regular na sesyon nito na isinagawa noong ika-12 ng Oktubre.

May pinakamalaking budget ang City Mayor’s Office (CMO) na halagang P407,851,448 na nakalaan para sa Personnel Services, Maintenance and Other Operating Expenses, Capital Outlay at Financial Expenses.

Mayroong 13 divisions sa ilalim ng nasabing tanggapan. Ang ikalawang may pinakamataas na budget ay ang City Health Office - P174,455,536, sinundan ng Office of the General Services - P111,229,343, Office of the City Engineer - P100,884,740 at Office of the Sangguniang Panlungsod - P84,943,084.

Mayroon ding Special Purpose Lump-sum Appropriation na may kabuuang budget na P647,295,119.09. Nakapaloob dito ang mga subsidies para sa national government at non government organizations/people’s organizations; aid sa barangay, Boy Scout at Liga ng mga Barangay; loans/interest payable, Gender Development Program, LDRRMF at 20% Development Fund.

Isa rin sa pinaglaanan ng budget para sa susunod na taon ay ang COVID-19 response ng lungsod para sa mga naapektuhan at maapektuhan pa ng pandemya. Nagsagawa ng dalawang araw na committee hearing ang Committee on Appropriations upang talakayin ang nilalaman ng proposed annual budget. Sinabi ni Konsehal Alyssa Cruz-Atienza, chairman ng nabanggit na komitiba na bagaman mabilis ang pagkakapasa ng naturang budget, siniguro naman nila na maayos ito at hindi minadali. “Malaki ang pagkakaiba ng mabilis sa minadali.

Nagkataon lamang na kumpleto ang mga records at dokumento, kumpleto ang mga konsehal at mga ahensyang may kinalaman sa annual budget kaya mabilis ang naging proseso at mabilis na naaprubahan ito” sabi ni Kon. Atienza.

Bukod sa mga konsehal, dumalo rin sa naturang committee hearing ang mga myembro ng Local Finance Committee na sina OIC-City Planning and Development Officer Gilda Godoy, OIC-City Budget Officer Manolo M. Perlada, OIC-City Treasurer Arminda Madayag at City Accountant Sherryl Bool. (Batangas City PIO)