Pag-iwas sa heat stroke sa mga alagang hayop

  1.jpg 2.jpg

Hindi lang ang mga tao ang posibleng tamaan ng heat stroke dahil sa matinding init ng panahon. Maging ang mga alagang hayop tulad ng mga alagang baboy ay peligroso rin sa ganitong sitwasyon. Ayon kay Veterinary Services Division Chief ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) Dr. Shiela Lualhati, karaniwan ang heat stroke sa mga alagang hayop sa ganitong panahon na sobrang init. “Prone sa heat stroke ang mga baboy dahil hindi pinapawisan ang mga ito dahil sa kapal ang kanilang taba”, sabi ni Dr. Lualhati.

Kung kayat pinayuhan niya ang mga hog raisers na bisitahin o i-check ng madalas ang mga alagang baboy, paliguan ng madalas at siguraduhing may inuming tubig ang mga ito. Makakatulong din aniya kung lalagyan ng electric fan at may mataas na bubong ang kanilang kural upang maging mas maaliwalas. Ipinabatid niya na may regular monitoring ang mga technician ng OCVAS sa mga backyard hog raisers sa lungsod upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga baboy at mabilis na matugunan ang mga problema.

Patuloy rin aniya ang OCVAS sa pagsasagawa ng seminar ukol sa wastong pag-aalaga ng baboy at iba pang hayop. May mga anti-stress vitamins at electrolytes drinks din silang ipinagkakaloob. Pinaalalahanan rin ni Dr. Lualhati ang mga pet owners na pabakunahan ng anti-rabies vaccine ang mga alagang aso at pusa dahil nagiging aktibo aniya ang rabis ng hayop kung tag-init.

Makipag-ugnayan lamang sa OCVAS o sa barangay para sa iskedyul ng anti-rabies vaccination. Patuloy rin aniya ang pagpapaiwi ng baka ng lokal na pamahalaan, na isa sa mga matagumpay na programa ng OCVAS kung saan ang bawat beneficiary ay tumatanggap ng isang inahing baka na aalagaan at ang magiging anak nito ay maaaring ibigay sa ka-barangay na kwalipikadong makinabang sa programa. (PIO Batangas City)