Inaprubahan ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinance Establishing the Batangas City Local Blood Council

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

TINGNI: Upang maisulong ang kahalagahan ng voluntary blood donation at mahikayat ang mga mamamayan na suportahan ang makabuluhang gawaing ito, inaprubahan ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinance Establishing the Batangas City Local Blood Council sa regular na sesyon nito ngayong araw, September 9.

Ayon kay konsehal Oliver Macatangay, may akda ng nabanggit na ordinansa, napapanahon na upang imulat ang mga tao sa benepisyo ng pagdo-donate ng dugo, hindi lamang sa mga nangangailangan kundi maging sa pansarili nilang kalusugan.

Aniya, mahalaga rin ito upang magkaroon ng mura, sapat at ligtas na pasilidad ang lungsod na maaaring paglagakan ng mga makokolektang dugo.

Nakasaad din dito na ang City Health Office (CHO) ang pangunahing ahensya na mangangasiwa sa pagbuo ng blood station.

Habang wala pang sariling blood station facility ang lungsod, maaaring lumagda ang CHO sa isang memorandum of agreement sa mga blood banks na accredited ng Department of Health (DOH) para sa temporary storage nito.

Maaaring makinabang sa nabanggit na blood station ang mga bonafide residents ng lungsod.
Ang mga miyembro ng Local Blood Council ang naatasang bumalangkas ng mga paraan upang dumami pa ang magiging blood donors.

Responsibilidad nila na hikayatin ang mga barangay councils at SK councils na suportahan ang programa.
Bukod dito, sila rin ang mamamahala sa mga community-based blood services activities, fund raising activities, pagpapalakas ng network of referral sa mga health facilities ng lungsod, monitoring ng mga blood donation programs, pagbibigay ng identification cards sa mga volunteers at pag-iingat ng mga vital information na may kinalaman sa blood services activities. (PIO Batangas City)