Magkatuwang Tayo, Alagang Gabay sa Tagumpay – Barangay Caravan, Dala ang Serbisyong Abot-Kamay sa Bukal, Sorosoro Karsada, Concepcion at Mahabang Parang

  01.jpg 02.jpg 02a.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 19.jpg

TINGNI: “Walang ibang gumagawa ng Barangay Caravan kundi ang Lungsod ng Batangas lamang.”

Ito ang binigyang-diin ni Mayor Marvey Mariño sa isinagawang Magkatuwang Tayo, Alagang Gabay sa Tagumpay – Barangay Caravan ng pamahalaang lungsod ngayong araw, September 11.

Sa naturang proyekto nina Mayor Marvey at Congresswoman Beverley Dimacuha, inilalapit sa mga residente ng malalayong barangay ang iba’t ibang serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Sa kanyang mensahe, ipinabatid ni Mayor ang patuloy na pagtutok ng kanyang administrasyon sa mga programang pangkalusugan.

Ayon sa kanya, ang mga nagnanais magpagamot at magpa-ospital ay kailangang tumawag lamang sa 24/7 EBD Health Emergency Hotline.

Dagdag pa rito, mula sa tatlong EBD health card–accredited hospitals, madaragdagan pa ito ng tatlo.

Nakinabang sa iba’t ibang serbisyong hatid ng caravan ang mga taga-Barangay Bukal, Sorosoro Karsada, Concepcion, at Mahabang Parang na nagsilbing host barangay.

Lubos ang pasasalamat ni Barangay Chairperson Emily Pagcaliwagan, na nagsabing malaking biyaya ang pagbisita ng Barangay Caravan sa kanilang lugar. Isa sa mga natulungan ay si John Gabrielle Anonuevo mula sa Mahabang Parang Child Development Center na unang beses nakapagpalinis ng ngipin at nabigyan pa ng fluoride at libreng toothbrush mula sa Dental Division ng City Health Office.

Nagpasalamat naman si Rowena Ardid ng Sorosoro Karsada na nabigyan ng libreng pananim na sili, talong at kangkong.

Malaking tulong aniya ang programang ito ng Office of the City Agriculturist dahil hindi na niya kailangang pang bumili ng gulay para sa kanilang malaking pamilya.

Sa edad na 66, ngayon pa lamang maiitama ni Aling Germinia Paliso ang kanyang spelling ng kanyang apelyido.

Tinulungan at tinuruan siya ng mga kawani ng Office of the City Civil Registrar sa mga hakbang na dapat gawin upang maayos ang kanyang birth certificate na kailangan aniya ng kanyang anak upang makapag-apply ng trabaho.

Kabilang din sa correction of entries na kanilang pinoproseso ay ang pagtatama ng kasarian, petsa ng kapanganakan, pangalan ng bata, correction of child’s & father’s last name, child’s middle name & mother’s last name, child’s birth order, at petsa at lugar ng kasal ng mga magulang.

Katuwang naman ng pamahalaang lungsod ang MedCity Diagnostic and Medical Center sa pagbibigay ng libreng konsultasyon, eye check-up, ECG, chest x-ray at ultrasound.

Marami ding fur parents ang nakapagpabakuna ng anti-rabies vaccine para sa kanilang mga alaga mula sa mga kawani ng Office of the City Veterinarian.

Nagbigay naman ng libreng notarial at legal consultation ang Office of the Vice Mayor at Office of the City Legal Officer.

Ilang residente din ang nakapagpasa ng aplikasyon para sa mga serbisyong hatid ng Business Permits & Licensing Office (BPLO), Public Employment Service Office (PESO), Office of the City Treasurer, Office of the City Social Welfare and Development, Office of the City Assessor, Office of the City Engineer, Colegio ng Lungsod ng Batangas, at Mayor’s Action Center.

Nagkaloob din ng guarantee letters para sa DOH-accredited hospitals at financial assistance para sa gamot, laboratory tests, at hospital bills ang tanggapan ni Cong. Beverley sa pamamagitan ng mga programa ng DSWD.

Pinilahan din ang mga serbisyong hatid ng Philhealth na registration, updating ng records at issuance ng ID.

Nakiisa sa caravan ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Alyssa Cruz, kasama sina Board Member Dr. Jun Berberabe, Bokal Hamilton Blanco, at mga Punong Barangay ng Solid North Cluster. (PIO Batangas City)