Batangas City, Ilulunsad ang "Ligtas-Tigdas" Campaign sa Agosto 10–28

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg

TINGNI: Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang mga magulang ng mga batang may edad 6 hanggang 59 buwan na makiisa sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) o "Ligtas-Tigdas" Campaign na isasagawa mula Agosto 10 hanggang 28.

Ang programang ito ng Department of Health (DOH), na pangangasiwaan ng mga kawani ng City Health Office (CHO), ay naglalayong matiyak na protektado ang mga bata laban sa tigdas (measles) at rubella o tigdas-hangin, na kapwa mapanganib lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na dulot ng virus at isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata, ayon sa World Health Organization (WHO).

Madali itong naipapasa sa pamamagitan ng hangin o sa malapitang pakikisalamuha sa taong may impeksiyon. Maaari rin itong magdulot ng malulubhang komplikasyon na maaaring ikamatay ng bata.

Kasabay ng libreng immunization program ay ang pamamahagi rin ng Vitamin A supplementation upang higit na mapalakas ang kalusugan ng mga bata.

Bukod sa mga health center, magtatalaga din ng mga designated vaccination posts sa bawat barangay upang mas maging madali para sa mga magulang na mapabakunahan ang kanilang mga anak. (PIO Batangas City)