Calumpang River Summit, Nagbuo ng Action Plan para sa Rehabilitasyon ng Ilog

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg

TINGNI: Bilang bahagi ng Calumpang River Environment Summit na idinaos noong Oktubre 28-29, nagkaisa ang mga stakeholder sa pagbuo ng isang Coordinated Action Plan upang matugunan ang mga suliranin ng Ilog Calumpang at mapangalagaan ang buong watershed.

Kabilang sa mga pangunahing hakbang sa plano ang sama-samang pamamahala sa watershed, paggamit ng maaasahang impormasyon, pagpigil sa polusyon sa pinagmumulan nito, pagpapabuti ng mga serbisyong pangasiwaan ng basura, pangangalaga at pagpapanumbalik ng mga likas na ecosystem, pagpapalawak ng makabuluhang pakikilahok ng komunidad, pagtataguyod ng malinaw na pamamahala sa pondo, at regular na pagsusuri sa progreso ng mga programa.

Bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa at paninindigan, lumagda rin sa Stakeholder Statement of Commitment Calumpang River Watershed si Mayor Marvey Mariño, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga pinuno ng mga tanggapan ng pamahalaang lungsod, mga kinatawan mula sa pitong bayang nasasakupan ng Calumpang River, mga miyembro ng Calumpang River Watershed Management Council, at iba pang stakeholder.

Kabilang sa mga bayang sakop ng Calumpang River Watershed ang Cuenca, Ibaan, Rosario, Pardre Garcia, Taysan, Lipa City at Batangas City.

Layunin ng nilagdaang pahayag na pagtibayin ang pangako ng mga stakeholder na isakatuparan ang mga napagkasunduang hakbang tungo sa isang mas malinis, mas malusog, at mas matatag na watershed.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Mariño ang kahalagahan ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos upang maibalik ang sigla ng Ilog Calumpang. Ibinahagi rin niya ang mga plano ng pamahalaang lungsod na paunlarin ang ilog bilang isang sentro ng turismo na inaasahang lilikha ng mas maraming oportunidad hindi lamang para sa Batangas City kundi maging sa buong lalawigan ng Batangas. (PIO Batangas City)