Batas na nagbabawal sa pagsisigarilyo sa mga pampublikong lugar mahigpit na ipinatutupad

  1.jpg

Simula pa noong January 1 ng taong ito, mahigpit ng ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Batangas alinsunod sa istriktong pagpapatupad ng Anti- Smoking Ordinance at ng Executive Order No. 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay City Health Officer Rosanna Barrion, ito ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang tumataas na bilang ng mga nagkakasakit ng cancer, hypertension at iba dahil ng paninigarilyo at mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.

Binigyang diin ni Dr. Barrion na bukod sa mga kalye, parke, palengke at iba pang pampublikong lugar ay mahigpit na ipinagbabawal rin ang paninigarilyo sa mga pampasaherong sasakyan, kagaya ng jeep, tricycle, bus at iba pa at labas ng kanilang tahanan o sa may gate. “Tanging sa loob lamang ng kanilang bahay or within the 4 corners of their home lang talaga sila maaring manigarilyo, ngunit delikado rin ito sa kalusugan ng kanilang pamilya dahil sa exposure nila sa usok kung kaya’t better quit smoking,” ayon pa rin kay Dr. Barrion.

Nilinaw niya na walang itinalagang smoking area sa City Hall para sa mga empleyado nito at mga taong pumupunta rito. Ang mga may ari ng mga private places na pinupuntahan ng publiko ay pwedeng maglaan ng designated smoking area na naayon sa ordinansa at executive order.

Nakasaad din sa Republic Act 9211 o ang “Tobacco Regulation Act of 2003 na ipinagbabawal ang pagtitinda, pamamahagi o pagbili ng mga sigarilyo o ano mang produkto na kauri nito ng/sa mga taong ang edad ay mababa sa sa 18 taong gulang.

Nagbuo ang pamahalaang lungsod ng Anti-Smoking Task Force na siyang manghuhuli sa mga lalabag sa batas na ito. Tumatayong chairman nito si Dr. Barrion habang ang mga miyembro ay ang Batangas City PNP, Defense Security Services (DSS) at Transportation Regulatory Office (TDRO).

Sinabi rin niya na may cessation clinic ang City Health Office (CHO) kung saan may mga activities dito at mga information para tulungan ang mga gustong humito sa paninigarilyo. Ito aniya ay libre, kung kaya’t hinihikayat niya na makipag ugnayan o magsadya sa CHO. Maari ring i-refer sa higher facilities ang isang pasyente kung kelangan ng higher treatment. (PIO Batangas City)