Suplay ng tubig ligtas inumin-Prime Water Corporation

  1.jpg

BATANGAS CITY Pinabulaanan ni Prime Water Corporation Manager Chelton Arias ang alegasyon ng ilan na hindi ligtas inumin ang kanilang suplay ng tubig.

Ayon sa kanya, maayos ang kalidad ng kanilang tubig sapagkat araw-araw silang kumukuha ng sample sa kanilang mga pumping stations upang itest ito at buwanan naman kung kumuha sa kanilang mga sampling points upang isumite sa Department of Health (DOH) at sa Philippine National Standard for Drinking Water.

Binigyang linaw din niya na taliwas sa mga sinasabi ng iba, “walang magiging pagtaas ng taripa sa loob ng dalawang taon. Sa 2020, ang 12% na value added tax (VAT) lamang ang sisingilin sa mga konsumidores.”

Kung ano aniya ang dating rate na sinisingil ng Batangas City Water District (BCWD) ay ganon pa din ang kanilang sinisingil sa kasalukuyan.

Pagdating naman sa pagpapakabit ng linya, mag-iiba ang rate nito kung gaano kahaba o kung anong methodology ang gagamitin.

Ipinaliwanag din ni Engr. Arias na ang pangunahing dahilan ng water interruption ay ang mga road widening projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagkakaroon aniya sila ng emergency water interruption o pagpatay ng linya kapag natamaan at nasira ng contractor ng DPWH ang kanilang mga pipes upang agad itong magawa sapagkat maaari itong pasukin ng mga bato at buhangin o lumaki pa ang kanilang problema kapag hindi agad maaksyonan.

Dahil dito, sinisingil nila ang naturang kagawaran ng water loss at repair charge.

Hiningi niya ang pang –unawa ng kanilang mga consumers at hiniling na i-like ang kanilang facebook page upang maging updated sa mga advisory.

Nakikipag-ugnayan na din ang kanilang tanggapan sa barangay upang maipabatid ang skedyul ng pagkawala ng suplay ng tubig at mag-iinstala din ng public address system para dito. 24/7 din aniya makokontak ang kanilang hotline.

Aminado ang kanilang tanggapan na may kakulangan sa suplay sa parte ng barangay Bolbok lalo na sa mga malalayo at matataas na lugar dito na madalas makaranas ng low pressure to no water kung kayat magdadagdag sila ng source dito.

May tatlong pumping stations ang nakalinyang buksan ng Prime Water Corporation ngayong taon habang isang water source naman ang target nilang buksan kada taon. (PIO Batangas City)