Sto. Nino sa mata ng mga bata ipinakita sa Children’s Art Competition

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

Ipinakita ng may 30 elementary students kung ano ang kahulugan ni Sto. Niño sa kanilang pananaw sa pamamagitan ng paglikha ng kanyang larawan gamit ang oil pastel at illustration board sa loob ng dalawang oras.

Ito ang taunang Children’s Art Competition na ginanap sa SM Event Center, January 9, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanyang kapistahan sa January 16. Ito ay sa pagtataguyod ng pamahalaang lungsod na pinangasiwaan ng Cultural Affairs Committee at sa pakikipagtuwang ng SM City Batangas .

Tinanghal sa unang pwesto ang likha ng 10 taong gulang na si John Nicolas Mangubat, grade 5 student ng Carmel School.

Ang pamilyang Batangueño at ang mga likas na yaman ng lungsod ang makikita sa winning piece ni Mangubat na akma sa temang “Pinagpala ang Lungsod ng Batangas ng Sto Nino”. Tumanggap siya ng cash prize na P5,000 at gold medal.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok si Mangubat sa isang art contest at kasama niyang lumahok dito ang kanyang kambal na kapatid na si Michael James na nakatanggap naman ng special prize. Nagsilbing coach/trainor ni Mangubat ang kanyang gurong si Carlo Dela Pena.

Ikalawang pwesto naman ang nakamit ni Hana Beatrice Agtay ng Casa Del Bambino Emmanuel Montessori, at 3rd prize si John Patrick Patriarca mula sa Tinga Labac Elementary School.

Nagkaloob din ng special prize kina Lauren Margaret Cueto ng Kumintang ES at Earl Jenzen Agoncillo ng Marian Learning Center & Science HS.

Ayon kay Secretary to the City Mayor Atty Reginald Dimacuha, ang pamahalaang lungsod at ang SM City Batangas ay kapwa sumusuporta sa pagpapayabong ng sining kagaya ng visual arts.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si SM City Batangas Mall Manager Gemina Buenaflor sa pamahalaang lungsod sa pagkakapili sa kanila upang maging katuwang sa gawaing ito.


Naging mga hurado ang visual artist na myembro ng Grupo Sining Batangueno na si Ada Panopio at Jericho Magnaye ng Bauan, Batangas at at ang Chairman ng Board of Judges na si Aquilino Acasio ng Lemery.

Pagkatapos ng kompetisyon ay nagbigay ng demonstration si Acacio sa paggawa ng artwork sa feltpaper.

Ang mga paintings ay ieexhibit sa SM City Batangas lobby mula January 12 hanggang 16, 2020.