Folk dancers ng Batangas City tampok sa Concert at the Park

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Nagtanghal ang Likhang Sining Dance Company (LSDC) ng Marian Learning Center and Science High School sa Batangas City sa Concert at the Park noong June 24 sa Rizal Park Manila bilang bahagi ng isang buwang selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas at pagdiriwang na rin ng Araw ng Maynila.

Ito ay sa imbitasyon ng National Parks Development Committee na siyang may proyekto ng Concert at the Park sa pakikipagtuwang ng Department of Tourism.

Dito ay sinayaw ng LSDC ang ilang mga native dances sa iba’t ibang rehiyon ng bansa kung saan ipinapakita ang kanilang mga kultura at tradisyon.

Kabilang dito ang Cordillera dances tulad ng Mandadawak, Kalinga Budong, Chieftain, Kalinga Wedding, Banga at Salidsid. Ipinamalas rin ang ilang Rural dances na karaniwang itinatanghal sa mga pista ng baryo o kung may magandang ani kagaya ng Maglalatik, Bakya, Sakuting, Tinikling at ang Subli ng mga Batangueño.

Nagtanghal din si Kenneth Palas na umawit ng Habang May Buhay, Maghintay Ka Lamang at sa Aking Puso. Ang LSDC ang official dance company ng Marian Learning Center and Science High School na binubuo ng mga mag-aaral sa elementarya at high school. Ito ay itinatag ng Cultural Affairs’ coordinator ng paaralan na si Peter John Caringal noong 2017 hindi lamang upang maglinang ng mga batang talento kundi upang mapayabong ang kaalaman ng mga Filipino sa mayamang kultura ng bansa.

Ang nasabing dance group ay naging champion sa Patimpalak Parangal kay Apolinarion Mabini 2017-Jota Batangueña (Junior High School category) at sa Sublian Float Parade na kapwa isinagawa ng pamahalaang lungsod. Nagtanghal din ito sa 2017 Pasinaya Festival ng Cultural Center of the Philippines.

Madalas ding maimbitahan ang grupo na magtanghal sa mga community events ng pamahalaang lungsod. (PIO Batangas City)