Gusali ng Boy Scouts at PWDs pinasinayaan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

May sariling tahanan nang matatawag ang Boy Scouts of the Philippines (BSP) Batangas City Council at ang Office of the Persons With Disability Affairs (OPDA).

Pinasinayaan ang kanilang gusali ngayong July 20 sa pangunguna ni AGAP Party List representative Rico Geron, kasama ang mga department heads at ilang konsehal ng lungsod.

Ayon kay Welson Barte, presidente ng OPDA, inisyatibo nila ang pagkakaroon ng isang gusali na matatawag nilang kanila. Aniya, isa ito sa pangarap niya bilang pangulo ng mga taong may kapansanan.

“Napakaswerte naming mga PWD’s dito sa lungsod sa pagkakaroon ng malaki at magandang gusali. Hindi po kasi lahat ng syudad at munisipyo e nabibiyayaan ng ganitong pasilidad. Kaya’t nagpapasalamat po kami kay Mayor at sa city government at sa AGAP Party List sa kanilang naiambag para matupad ang pangarap naming ito,” sabi ni Barte.

Ipinabatid din niya na may balak silang magtayo ng isang motorcycle shop para sa mga may kapansanan na gustong magkatrabaho subalit kulang sa edukasyon. Papangalanan nila itong Price With Discount o PWD.

Samantala, inihayag naman ni bagong Council Scout Executive Guilberto Alea ang ilan niyang plano para sa BSP Batangas City Council.

Nais niya aniyang i-involve at maging mas aware pa lalo ang mga bata sa kahalagahan ng scouting.

“Kita naman natin ngayon na ang mga bata mas may hilig sa mga computers, gadgets at on-line gaming. Parang nagiging 2nd o 3rd option na lamang ang scouting sa kanila, lalo na ngayon na wala naman sa curriculum ang scouting movement sa mga paaralan,” ayon kay Alea.

Ayon pa kay Alea, dahil siya rin ang sports coordinator ng lungsod, i-inject niya ang sports thru scouting. “Isa itong paraan upang mailayo ang mga bata sa masamang bisyo at mabuhay sa kanila ang sense of nationalism.”

Nais din niyang magkaroon ng Search for the Best Boy Scout Unit in Batangas City kung saan ipapakita dito ang iba’t-ibang kasanayan ng mga boy scouts, kagaya ng fire-making techniques, knot tying, community relations at iba pang skills na magagamit ng mga bata upang ma-enhance ang kanilang mga abilidad.

Ang lote na dating kinatatayuan ng lumang BSP building ay ibinigay ng city government samantalang ang pondo para sa facility ay mula sa inisyatibo ng Agap Party List.(PIO Batangas City)