Higit na patalbugan sa modern dance competition ipinakita ng mga kabataan

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nag level up ang modern dance competition ng pamahalaang lungsod ngayong taon bilang isa sa mga gawain sa pagdiriwang ng 49th foundation anniversary ng Batangas City dahilan sa mas magagaling ang mga lumahok ayon sa mga naging hurado ng contest.

Nag champion muli sa pang tatlong magkakasunod na taon ang Kazaokatu ng Batangas City sa Pakitang Gilas sa Makabagong Sayaw (modern dance) seniors division na idinaos noong nakaraang linggo.

Pitong grupo ang naglaban laban sa kategoryang ito, kung saan naging 2nd place winner ang Danzgen Project mula sa brgy. Malitam at 3rd place ang Salute de Familia ng San Pascual, Batangas.

Sampung grupo ang nagtunggali sa junior division ng kumpetisyon. Champion ang Disthink mula sa Bauan, Batangas, 2nd place ang Jr. Hyperbones ng brgy. Calicanto at 3rd place ang Junior Danzgen , Brgy. Malitam.

Ang mga nanalo ay tumanggap ng P20,000.00; P15,000.00, P10,000 at tropeo ayon sa pagkakasunod sunod.

Pinuri ng mga hurado na sina Melvin Martinez, Art Endaya at Gerald Mercado na kapwa mga kinikilala at propesyunal sa iba’t ibang larangan ng pagsasayaw ang competition sa taong ito. Anila naipakita ng mga kalahok ang mga inaasahan nilang performance.

Ayon kay Mercado tumaas ng tatlong antas ang husay ng mga kalahok sa taong ito kumpara noong nakaraang taon. “Nakita namin ngayon ang fusion of movements, na-maximized din ang stage at nag-explored din ang mga contestants ng mga bagong artists at music,” dagdag pa ni Mercado.

Binigyang diiin din ni Mercado na bilang mga artists, responsibilidad ng mga dancers na magbigay ng magandang emotional influence sa mga manonood lalo’t higit sa mga kabataan, kung kaya’t dapat maging maingat sa konsepto ng sayaw at iwasang maging over-acting. Hinamon niya ang mga kabataang Batangueno na ipakita ang international level dance performance sa susunod na taon. (PIO Batangas City)