CLB Mustangs, wagi sa LCUAA

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

 

Tinanghal na kampeon ang Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB) Mustangs basketball team sa 12th Local Colleges and Universities Athletic Association (LCUAA) matapos mag-concede ang City College of El Salvador (CCE) ng Mindanao na ginanap sa Sta. Cruz Laguna noong October 13.
Ayon sa committee ng LCUAA, napagdesisyunan ng officials ng CCE na hindi na lumaro sapagkat bukod sa tinalo na sila ng Mustangs sa eliminations, aminado na overpowered ang kanilang koponan at umiwas na ma-injured pa ang iba nilang mga manlalaro.

Natapos ng Mustangs ang liga na walang talo.
Ayon kay CLB head coach Raul Bicol, nagbunga ang dedikasyon at disiplina ng mga players sa pagkasungkit ng kampeonato.

“ May 14 teams ang naglaban-laban sa basketball kung saan hinati sa 2 bracket at napalagay ang CLB sa group of death. Kasama sa bracket ang malalakas na teams gaya ng City College of Calapan, Pamantasang ng Lungsod ng San Pablo, Pamantasang ng Lungsod ng Pasig, at City College of El Salvador. Natalo sila lahat ng Mustangs with an average of 27 points,” dagdag ni Bicol.

Ayon naman kay conditioning coach Robert Kevin Wolfert, hindi lamang ang galing at husay sa basketball ang hinahasa nila sa CLB, mas binibigyan nila aniya ng importansya ang ugali at dedikasyon ng mga manlalaro.

Ipinagmalaki din ni Wolfert na 100% pawang mga Batangenyo ang lahat ng players pati na ang mga coaching staff, na isa aniya sa nakikita nyang dahilan kung bakit malakas at mahusay ang mga ito sa loob ng court kahit pa ang CLB ang maituturing na pinakabata at pinakamaliit na koponan sa buong torneo.

Ito ang unang beses na lumahok ang Mustangs sa LCUAA kasunod ng pagkakapanalo nila sa Makiling Cup U22 noong July.
Nanalo naman sa chess si Christine Gay Canlas habang nakuha ng CLB 3x3 mens basketball ang ikaapat na pwesto.
Ang 12th LCUAA ay nilahukan ng may 2,000 mga student-athletes sa buong Pilipinas. (PIO Batangas City)