Nationwide Information Caravan tungkol sa libreng tertiary education idinaos sa Batangas City

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Libre na ang edukasyon sa bansa!

Ito ang magandang balitang hatid ng Nationwide Information Caravan for Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017” (UAQTEA) na ginanap sa Batangas City Convention Center noong ika-19 ng Hunyo.

Layunin nito na maipabatid sa lahat na isang malaking oportunidad ang ipinagkakaloob ng pamahalaan na makapagtapos ng pag-aaral ang mga kabataan ng libre sa mga public tertiary at vocational schools alinsunod sa UAQTEA. Ang naturang batas ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto ng nakaraang taon. May P41 bilyon ang kabuuang pondong inilaan para dito kung saan may 1.2 milyong mag-aaral ang magiging beneficiaries nito.

Bukod sa libreng tuition fee, wala na ding kailangang bayarang miscellaneous fees tulad ng library fees, computer fees, laboratory fees, school ID fees, athletic fees, admission fees, development fees, guidance fees, handbook fees, entrance fees, registration fees, medical and dental fees, cultural and other similar or related fees.

Ang nasabing pagtitipon para sa Region IV A (CALABARZON) ang ikalawa sa huling leg ng naturang caravan at dinaluhan ng ibat-ibang Local Universities and Colleges (LUC’s), State Universities and Colleges (SUC’s) at state-run technical-vocational schools sa rehiyon.

Ang naturang caravan ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Unified Student Financial Assistance for Tertiary Education ( UNIFAST).

Binigyang diin ni OIC Executive Director IV, UNIFAST Secretariat na si Atty Carmelita Yadao-Sison na pagkatapos ng ilang dekada ay naisabatas na ang inaasam-asam ng napakaraming pamilyang Pilipino na libreng kolehiyo. Ang mga estudyante at mga magulang aniya ang tunay na makikinabang sa batas na ito.

Malaking hamon din aniya sa mga SUCs, LUCs presidents kung paano ipoprogram ang tamang paggamit ng pondong ipagkakaloob ng Commission on Higher Education (CHED) para sa programang ito.

Sa press conference na isinagawa sa Batangas State University (BSU), sinabi ng presidente nito na si Dr Tirso Ronquillo na ang edukasyon ay isa sa mga adhikain sa buhay ng isang tao na may pinakamaraming social benefits. Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng “proper education” malaking tulong aniya ito sa pagresolba ng mga social problem ng bansa.

Humigit kumulang sa 30,0000 aniya ang kanilang mag-aaral noong nakaraang taon kayat inaasahan nila na mas marami dito ang mag-eenrol para sa susunod na school year kung kayat lubos nilang pinaghahandaan ang pagdagsa ng mga ito partikular ang konstruksyon ng mga bagong school buildings.

Ipinabatid ni Congressman Marvey Mariño ang ilan sa mga ginawa nilang measures sa Kongreso upang makahanap ng pondong pagkukunan upang maisakatuparan ang batas na ito.

Nanawagan din siya sa mga kabataan na pagbutihin ang pag-aaral at bigyang halaga ang magandang pagkakataong ipinagkaloob sa kanila na magkaroon ng magandang edukasyon. (PIO Batangas City)