Mga ama sa isang barangay may libreng prostate screening

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

BATANGAS CITY- Kakaibang pagdiriwang ng Father’s Day ang isinagawa ng samahan ng mga kababaihan sa barangay Dumantay noong June 23. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng prostate screening sa kanilang barangay sa pakikipagtulungan ni Congressman Marvey Mariño at ng mga duktor ng Jesus of Nazareth Hospital.

May 50 kalalakihan ng barangay ang sumailalim sa nasabing eksaminasyon na isinagawa nila Dr. Libio Macatangay, Dr. Vigilio Pascual, Dr. Gregorio de Chavez at Dr. Cesar Guillo ng nasabing ospital.

Pagkatapos nito ay nagsagawa ang ilang mga duktor ng isang lecture sa prostate cancer upang mabigyan ng kaalaman ang mga residente tungkol sa sakit na ito.

Ayon kay Dr. Pascual, “ang prostate ay nakapaikot sa daanan ng ihi na once na namaga ito o lumaki, ang nangyayari ay sumisikip ang daanan ng ihi.” Nagkakaroon ng prostatitis o pamamaga ng prostate dahil sa impeksiyon sa mga sakit na maaaring makuha ng mga kalalakihang nasa edad 40 pataas.

Una aniyang maaaring dahilan kung bakit nagkakaroon ng pamamaga sa daanan ng ihi ng mga lalaki ay ang pagka-ipit ng ugat sa prostate.

Isa sa mga pangunahing sintomas ng prostatitis ay ang pag-ire ng pasyente kapag umiihi. Kadalasan, ang mga lalaking may ganitong sakit ay putol-putol ang pag-ihi. Maaari ring maramdaman na hindi nauubos ang ihi bukod pa sa mahina ang pag-agos nito. Isa ring sintomas ay ang malimit na pag-ihi tuwing gabi.

Ayon naman kay Dr. Guillo, mayroong tatlong klase ng prostatitis. Ito ay ang acute bacterial, chronic bacterial at chronic non-bacterial s o chronic pelvic pain syndrome. Ang sakit na nararamdaman sa acute bacterial ay hindi kapareho ng nararadaman ng mga mayroong chronic bacterial prostatitis. Ang dalawang ito ay maaaring gamutin gamit ang antibiotics. Pero ang karaniwang prostatitis na tumatama sa mga kalalakihan ay ang chronic non-bacterial kung saan madalas ito sa mga edad 40 taon pababa.

Sinabi naman ni Dr. De Chavez na malaki ang tiyansa na magkaroon ng pamamaga sa prostate ng lalaki kung ito ay may sexually transmitted disease o urinary tract infection. Ayon pa rin sa kanya, kung ang pamamaga ay matigas maaaring ito ay sintomas ng prostate cancer, subalit kapag malambot at masakit, ito ay karaniwang prostatitis.

Paalala ng mga duktor, iwasan ang inuming may alcohol, maaanghang na pagkain at mga pagkaing maaaring magpataas ng acidity ng ihi. Pag dating ng edad 40 pataas ay kailangan mag pa check up sa duktor. Samantala, nag paabot si Congressman Mariño ng munting regalo sa mga amang sumailalim ng prostate screening sa pagdiriwang ng Father’s Day. (PIO Batangas City)