Batang may pagmamahal sa watawat ng Pilipinas pinarangalan ng city council

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Ginawaran ng pagkilala ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod ng Batangas ang isang limang taong gulang na bata na ipinagmamalaki ng lungsod dahilan sa kaniyang pagiging makabayan at kakaibang pagpapakita ng pagmamahal sa bandila ng Pilipinas sa lingguhang sesyon ngayong ika-26 ng Hunyo.

Isang resolusyon din ang ipinasa ng konseho upang kilalanin ang batang ito na si Paul Henry Agoncillo ng Barangay Pallocan East at grade 1 student ng Sunhill Montessori Casa.

Ayon kay Rona Agoncillo, ina ni Paul, tatlong taong gulang pa lamang ito nang magsimulang mangolekta ng iba’t-ibang uri ng Philippine flag at mga bagay na may disenyo nito. Bukod dito, tuwing umaga ay maaga itong bumabangon at pinapatugtog sa kanilang stereo ang pambansang awit ng Pilipinas, ang Lupang Hinirang.

“Maaga niya kaming ginigising, lahat kaming kasama niya sa bahay. At pinapipila niya kami sa harap ng bahay para mag-flag ceremony. Iginawa siya ng papa niya ng flag pole at dun kami sabay-sabay na nagpupugay sa watawat,” kwento ni Rona.

Ayon pa sa kaniya, may pagkakataon na kung umuulan, si Paul ang nangungunang tumakbo sa labas ng kaniyang silid-aralan upang isilong ang bandila ng kaniyang school. Labis naman aniya itong ikinatutuwa ng eskwelahan ni Paul at kinilala rin ang kaniyang pagmamalasakit sa Philippine flag.

Dahilan sa pagmamahal na ito ni Paul sa watawat ng kanyang bansa , na-i-feature siya sa isang segment ng TV Patrol ng ABS-CBN, ang Ayos Ka Kid, noong June 8 bilang bahagi ng kanilang Independence Day episode. Dito ay ipinakita na maging ang kanyang hairstyle ay may disensyo ng watawat.

Tunay na kahanga-hanga ang ugaling ito ni Paul na sa murang edad ay ipinapakita na ang pagmamahal sa simbolo ng kanyang bayan,isang katangian na sana ay dala dala niya hanggang pagtanda sa simpleng pagiging isang mabuting mamamayan.(PIO Batangas City)