Maiingay na motor ipagbabawal na

  1.jpg 2.jpg

Bilang na ang oras ng maiingay na motor sa lungsod. Ito ay matapos na maghain ng isang ordinansa hinggil sa mga modified o altered na exhaust pipes ng motor si Councilor Karlos Buted sa lingguhang sesyon ng Sangguniang Panglungsod noong ika-24 ng Hulyo.

Ang ordinansa na may pamagat na “An Ordinance Prohibiting the Driving of Motorcycles and Motorized Vehicles Within Batangas City without the Original Installed Silencer Components at the Exhaust Pipe of the Motorcycle Engines,” ay ipinasa para sa first reading at nakatakdang dumaan sa committee hearing sa ilalim ng Committee on Laws, Rules and Regulations.

Ang ordinansa ay naaayon sa Project-CDROM (City’s Desire to Reduce Open Mufflers) ng Batangas City PNP at RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Ayon kay Buted, marami sa mga may-ari ng motor ang nagpapaganda ng kanilang sasakyan kasama na rito ang modification o pagpapalit ng tambutso na nagdudulot ng ‘booming sound’ na maririnig ilang kilometro ang layo. “

Naiintindihan po natin na nais lamang nilang pagandahin ang kanilang sasakyan. Pero marami po kasi ang nagrereklamo laban sa mga open pipes. Ilan na dito yaong mga residente na nagigising kung may nagmomotor sa gabi o madaling araw na may open pipe,” sabi ni Buted.

Sinabi rin niya na ayon sa pag-aaral ng PNP, nagiging rason din ng aksidente ang mga ito kung kaya’t nararapat lamang na aksyunan na ang ganitong mga uri ng motor.

Nakapaloob sa ordinansa na lahat ng drivers at operators ng motor ay nararapat maglagay ng silencer sa kanilang mga tambutso. Itinuturing na labag sa batas ang pagpapatakbo ng motor na walang kaukulang exhaust silencer lalo’t higit sa mga maiingay na motor.

Ang mahuhuling lumabag sa ordinansa ay maaaring magmulta ng P2,500. Maaari ring ma-impound ang motor at ang mga modified na parte nito ay kukumpiskahin.

Matapos mabayaran ang penalty at maibalik ang original part ng tambutso, dito pa lamang maaaring i-release ang impounded na sasakyan kasama na ang P200 na impounding fee kada araw.

Nakatakdang isalang sa committee hearing ang naturang ordinansa sa susunod na linggo.(PIO Batangas City)