Konsehal Aldover binigyang pugay sa kanyang necrological rites

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Bumuhos ang emosyon sa necrological rites at public viewing ng yumaong si Konsehal Glen “Okidok” Aldover sa Sangguniang Panlungsod Session Hall ngayong Martes, October 16, kung saan siya ay inilarawan ng mga nagbigay pugay sa kanya bilang isang mabuting tao, matulungin, mapagbiro at masayahin.

Mula sa kanyang pamilya, kaibigan, kasamahan at oridinaryong tao, lahat sila ay nagbigay ng kanilang mga naging karanasan sa konsehal na namatay sa heart attack noong October 10 sa edad na 61.

Ayon kay Konsehal Gerry Dela Roca, “Mami-miss namin sa kaniya, yung pagiging peace maker nya. Kasi alam nyo naman po sa sangguniang panglungsod, sa kagustuhan namin na mapaganda ang mga iniaakda naming batas, hindi maiiwasan na magkaroon ng konting tension lalo na sa mga deliberasyon. Pero si Okidok, siya lagi ang pumapagitna sa amin, nag-ca-crack siya ng mga jokes na nagpapahupa ng tension sa bawat isa.”

Kwento ni Secretary to the Sangguniang Panlungsod Olive Telegatos na napakahabang panahon ng kanilang pinagsamahan ni Aldover. Bilang secretary ng sanggunian, siya aniya ang madalas kulitin nito lalo na kung may ordinansa itong binubuo.

“Ang relationship namin e maituturing na love and hate relationship. Kasi dadating yan sa opisina ko, mambobola sa akin pero asahan mo may kasunod na yung pakiusap. Mula sa grammar at mga probisyon ng ordinansa at resolusyon nya, ako ang kaniyang kinukulit,” sabi niya.

“Pero si Dr. Glenn ang isa sa konsehal na araw-araw pumupunta sa kaniyang opisina. Araw-araw po iyon. Napakasipag pong tao ni Glenn Aldover. Tumutulong at nagche-check up siya sa mga pasyente na nasa kaniyang tanggapan. At ramdam na ramdam namin ang kaniyang pagkawala,” dagdag pa ni Telegatos.

Hindi rin naitago ng mag-asawang konsehal na sina Mr. Serge Atienza at Atty. Alyssa Cruz-Atienza ang kanilang kalungkutan. Si Aldover ang isa sa kinuhang ninong ng dalawa sa kanilang kasal.

“Napakabait ni ninong. Wala siyang bukang-bibig kundi ‘mahalin nyo ang inyong mga anak, ang inyong pamilya. Dahil oras na lumaki na ang inyong mga anak, madalang nyo na silang mahahalikan at mayayakap.’ Iyon po ang tumatak na payo niya sa aming mag-asawa. At dito nakita namin kung sino siya as a family man,” sabi ni Atienza.

Nag-alay naman ng awiting “My Way” ni Frank Sinatra si ABC President Angelito DonDon Dimacuha. Ito aniya ang kantang ‘lumalarawan sa naging buhay ni Dr. Aldover bilang ama, asawa, kaibigan at lingkod-bayan.’

Pagkatapos ng public viewing, agad na idiniretso ang labi ni Aldover sa Sta. Rita De Cascia para sa funeral mass.

Si Aldover ay nagsilbing city councilor mula 2001 hanggang 2007 at naging medical officer V ng City Health Office noong 2008. Tumakbo at nanalo uli siya bilang konsehal noong 2013 at naglingkod hanggang sa kasalukuyan.

Bukod sa kaniyang mahalagang kontribusyon bilang isang public servant, isa sa iniakda niyang ordinansa na naktakdang aprubahan ay ang Health and Sanitation Code of Batangas City. (PIO Batangas City)