City Annual Investment Program CY 2024, inaprubahan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Inaprubahan sa Full Council Meeting ng City Development Council (CDC) ang City Annual Investment Program (AIP) para sa taong 2024 sa Batangas City Sports Center ngayong araw , August 24. Ayon kay City Planning and Development Coordinator Gilda Godoy, ito ay nagkakahalaga ng P30B na ilalaan sa General Public Services, Social Services at Economic Services.

Inaprubahan din ang Supplemental Annual Investment Program No.3 CY 2023 na nagkakahalaga ng P 520M. Ang mga ito ay kapwa ieendorso sa Sangguniang Panglungsod upang maaprubahan. Ang CDC meeting ay pinangunahan ni Council Chairman Mayor Beverley Dimacuha. Bilang isa sa mga accredited Civil Society Organizations (CSO) sa lungsod, inilahad ni Wagayway Equality Association Inc.President Edward Camasis ang kanilang mga proyektong nagawa partikular ang pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng awareness hinggil sa sa HIV/AIDS at pagtulong sa nararanasang deskriminasyon ng mga infected nito.

Nagbigay naman ng mahahalagang impormasyon si DILG City Director Ester Dator tungkol sa gaganaping Barangay at SK election sa October 30. Highlight ng naturang okasyon ang pagagawad ng pagkilala sa 16 na Punong Barangay na naglingkod ng tatlong termino. Naging emosyonal si Mayor Dimacuha sa pagpapaabot ng pasasalamat sa suportang ipinagkaloob ng mga ito sa nakalipas na mga taon.

Tampok din sa CDC meeting ang seremonya ng paglagda ng kasunduan ukol sa paggawa ng Batangas City Tourism Development Master plan. Ito ay nilagdaan sa pagitan ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ni Mayor Dimacuha at ng consultancy service na Palafox and Associates.

Sa kanyang closing remarks, ibinahagi ni Congressman Marvey Marino ang mga accomplishments at on-going projects ng kanyang tanggapan at ipinabatid na naaprubahan ang pagkakaroon ng District Engineering Office sa ikalimang distrito ng Batangas. Dahil aniya dito, mas maraming proyekto at programa ang maiipatupad na pakikinabangan ng maraming Batangueno.

Dumalo sa nasabing pagpupulong ang mga myembro ng Sangguniang Panglungsod, City Administrator Engr. Sonny Godoy, Secretary to the City Mayor Atty. Reginald Dimacuha, ABC President Dondon Dimacuha, barangay officials gayundin ang mga kinatawan mula sa ibat-ibang Civic Society Organization (CSO) at pribadong sektor. (PIO Batangas City)