Simbahan bubuksan na sa mga parishioners simula July 5

  1.jpg

Sa wakas, pinapayagan na rin ang mga simbahan sa Batangas City na magdaos ng Misa at tumanggap ng mga parishioners simula sa Linggo, July 5. Sa Basilica of the Immaculate Conception, may 500 katao lamang ang pwedeng pumasok sa loob ng simbahan alinsunod sa 50% capacity na requirement ng IATF-EID.

Ayon kay Rev. Fr Angel Pastor, Kura Paroko ng Basilica, dapat sundin ang mga ipinatutupad na health protocols.

Bago pumasok sa loob ng simbahan kailangang pumila ang mga parishioners. May mga nakatalagang tauhan upang magsagawa ng thermal scanning o pagkuha ng temperature at magiispray ng alcohol. Mayroon aniyang nagdonate ng misting booth kung kayat kailangan ding dumaan dito bukod pa sa foot bath na kanilang ilalagay.

Kailangan din nilang malaman ang ilang personal information ng mga dadalo para sa contact tracing kayat magkakaroon ng registration kung saan dito din ilalagay ang seat number. Hinihikayat ang mga maninimba na isulat sa papel ang kanilang pangalan, address, edad at contact number at isumite bago pumasok sa loob ng simbahan.

Mahigpit nilang ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at social distancing sa pamamagitan ng paglalagay ng marka sa mga upuan. Ang mga may edad na 21-59 taong gulang lamang ang maaaring makasimba. Mula sa siyam na misa tuwing araw ng Linggo, lima lamang muna ang kanilang isasagawa. Ang mga ito ay sa ganap na ala sais, alas otso, alas dyes ng umaga at alas kwatro y medya at ala sais y medya naman sa gabi. Ipinagbabawal ang pagpahid at paghawak sa mga imahen upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

By row naman ang isasagawang pagkokomunyon. “Sasabihin na ng pari bago magpakomunyon ang katawan ni Kristo at sasagot na ang lahat ng Amen,” sabi niya. Pwede pa ring makinig ng Misa ang mga tao sa labas ng simbahan habang inoobserba ang physical distancing. Magsasagawa ng disinfection ng simbahan pagkatapos ng misa para sa kaligtasan ng mga sumisimba.

“Malaki ang epekto ng pandemyang ito sa Catholic community dahil ang simbahan ay isang social institution. Marami ang gustong magsimba na hindi makapagsimba. Kayat ngayon na pinapayagan na na mas marami ang makadalo sa misa, sana sa pamamagitan ng okasyong ito ay mabuhay muli ang pananampalataya natin sa Panginoon,” sabi ni Fr Angel. Hiniling din niya na patuloy na manalangin upang mawala na ang covid 19 at patuloy na magpasalamat sa Diyos . Nagpaabot din ng pasasalamat ang parokya sa lokal na pamahalaan sa tulong at suportang ipinagkaloob nito noong panahon ng ECQ at GCQ. (PIO Batangas City)