PSC interesadong maglunsad ng Laro't Saya sa Parke sa lungsod

  PSC.jpg

BATANGAS CITY - Bumisita ang mga kinatawan ng Philippine Sports Commission (PSC) kay Mayor Beverley Dimacuha upang pag-usapan ang posibilidad na mailunsad nila sa Batangas City ang kanilang programang Laro’t Saya sa Parke.

Ayon kay Gloria Quintos, Acting Chief, Program Research and Development Edition at Program Manager ng Laro’t Saya sa Parke program, layunin ng gawaing ito na isulong ang “Sports for All” sa mga local government units (LGU), na isa sa mga prayoridad ng administrasyong Duterte at maging accessible ang sports sa masa.

Taong 2012 aniya ng ito ay inilunsad sa Luneta at naisagawa na din sa LGU ng Davao, Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Vigan, Baguio, Imus at Quezon City.

Itatampok ang sports for fun tuwing Linggo sa isang park na pwedeng pagdausan ng event na ito at magsisilbing bonding activity ng bawat pamilya. Sa ganitong paraan, higit na mapapakinabangan din ang mga parke sa bansa.

Ilan sa mga activities na kanilang itinataguyod ay ang zumba, arnis, badminton, boxing, chess at marami pang iba.

Kung papasa sa kanilang requirements ang Plaza Mabini, lalagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang PSC at pamahalaang lungsod para sa pagpapatupad ng nasabing programa. (PIO Batangas City)